PATUNG-patong na kaso ang maaaring isampa ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) laban sa mga miyembro ng PNP-SAF at CIDG na nag raid sa ilang compounds ng KOJC nitong Lunes Hunyo 10, 2024.
Ito ang pinag-aaralang hakbang ng legal counsel ng KOJC kasunod ng marahas na operasyon ng pagsisilbi ng arrest warrant ng PNP laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy at limang iba pang kasamahan nito na hindi rin nakita sa nasabing raid.
Ilan sa mga kaso na posibleng isasampa laban sa mga pulis ang paglabag sa Art 269 o Unlawful Arrest, Art 132 o Interruption of a Religious Worship, Art 124 o Arbitrary Detention, Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority.
Kinukonsidera din ang pagsasampa ng kasong child abuse laban sa mga PNP operatives kasunod ng mga naiulat na pagkatrauma ng mga bata sa ilang compounds na niraid ng mga awtoridad partikular na sa Glory Mountain, Brgy Tamayong, Calinan, Davao City.
Ayon sa mga abogado ng Kingdom, hindi basta-basta ang naging epekto sa mga bata ngayon dulot ng paglusob ng mga pulis sa KOJC dahil tila nagtanim na ito ng pagkatakot sa mga bata sa tuwing may kaluskos o naririnig na tunog sa kanilang paligid.
Batay sa kuha ng CCTV footage ng KOJC, kitang-kita ang pag-trespass ng mga pulis kasama na ang pananakit at pangha-harass ng mga pulis sa ilang miyembro ng Kingdom.