GUMAMIT ng artificial intelligence (AI) si Paul McCartney, ang singer-songwriter at bassist ng English rock band na “The Beatles” para sa kaniyang tinawag na ‘The Final Beatles Record’.
Hindi idinetalye ni McCartney kung ano ang title ng kanta subalit batay sa ulat, posibleng ito ang 1978 composition ni John Lennon na may pamagat na “Now and Then”.
Tinatayang ire-release ang kanta ngayong taon.
Ayon kay McCartney, ginamit ang AI para makuha ang boses ni Lennon mula sa isang demo.
Medyo maingay aniya ang naging recording ni Lennon sa naturang demo ng kanta kung kaya hindi ito agad magagamit at kailangan munang linisan.
Hindi rin buo ang naging kanta dahil medyo nakukulangan rin sila sa verse.
Dito na pumasok ang AI saysay ng bassist.
Kuwento pa ng bassist, ang kanta na ginamitan ng AI ay kasama sa ni-record sa isang cassette ni Lennon bago ito namatay noong 1980.
Ang asawa ni Lennon na si Yoko Ono ang nagbigay naman ng cassette kay Paul.
Samantala, ang dalawa na kanta mula sa mga nai-record sa naturang cassette ay nailabas na noong 1995 at 1996.
Ang pamagat ay “Free as a Bird” at “Real Love”.