SINABI ni Senate President Juan Miguel Zubiri na aapela si PBBM sa Kamara at sa iba pang initiators na ihinto na ang pagsusulong sa People’s Initiative.
Nakahinga ng mas maluwag ang Senado matapos muling magsalita ang Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kontra sa People’s Initiative (PI).
“The president is set to appeal to the HOR (House of Representative) and the other PI initiators to stop this dreaded PI. In his words it is getting out of Hand,” ayon kay Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senate President.
Sa isang privilege speech sa Senado, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na aapela si Pangulong Marcos sa Kamara at sa iba pang initiators na ihinto na ang pagsusulong nito.
Nasa Malakanyang si Zubiri Lunes ng umaga matapos siyang ipatawag ng Pangulo bago ito tumulak patungong Vietnam.
Nauna nang inanunsiyo ng Commission and Elections (COMELEC) na sinuspinde na nila ang anumang aksiyon kaugnay sa PI.
“We honestly believe, base sa aming initial assessment, kailangan naming i-review, i-enhance, dagdagan ‘yung aming existing IRR o Implementing Rules and Regulations concerning the People’s Initiative dahil sa ating palagay, may mga bagay doon na kulang at wala doon sa ating guidelines,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Imbestigasyon ng Senado sa PI, tuloy pa rin
Sa kabila rito, sinabi ni Zubiri na hindi pa tapos ang laban kontra PI dahil suspindido o pansamantala lamang na inihinto ang anumang aksiyon ng COMELEC sa PI.
Ito ang dahilan kaya’t iimbestigahan pa rin ng Senado ang PI na pangungunahan ni Sen. Imee Marcos sa araw ng Martes, Enero 30.
Aasahang dadalo sa imbestigasyon ang mga testigo sa bilihan ng pirma mula sa iba’t ibang lugar, mga kinatawan mula sa ahensiya ng pamahalaan na umanoy involved sa PI, at ang COMELEC.
43 mula sa 253 legislative districts ‘di nagsumite ng dokumento kaugnay sa PI
Batay naman sa impormasyon na natanggap ng Senado, may 43 legislative districts ang hindi pa nagsumite ng dokumento kaugnay sa PI.
Nangunguna rito ang mga lugar na maituturing na kilalang balwarte ng ilang senador.
Kabilang dito ang: Marikina, Valenzuela, Las Piñas, Malabon, Pasig, San Juan, Taguig, Ilocos Norte, Bulacan, Cavite, Bukidnon, at marami pang iba.
“Iba na po ang kuwento ngayon. Dahil may en banc resolution na ngayong hapon. Pag ‘yung 43 ay magsumite they are violating the COMELEC en banc resolution. ‘Yan ang kaibahan ngayong may resolution na from COMELEC,” ayon kay Sen. Loren Legarda, Pro Tempore.
Nang tinanong naman kung paano na ngayon ang relasyon ng Senado at Kamara sa pagpasa ng mga batas sa gitna ng nangyayaring tensiyon, ito ang sagot ni Zubiri.
“We will try to reach out leadership and see how we can get a consensus na trabaho muna tayo. Of course hindi na siguro katulad nung dati na best of friends but how we can work for the people professionally,” ani Zubiri.