TINITINGNAN na ng administrasyong Marcos ang long-term rehabilitation sa Oriental Mindoro kaugnay ng epekto ng oil spill.
Ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pahayag sa gitna ng pagbisita nito sa probinsiya nitong weekend.
“Siguro baka matagalan pa (oil spill recovery). Kaya’t ang aming ginagawa ay sabi natin ay kailangan may hanapbuhay ang tao. Kaya’t nagpaplano kami, ‘yung mga livelihood na pwedeng dalhin at pwedeng buhayin,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Inihayag ni Pangulong Marcos na tinitingnan na ng kaniyang administrasyon ang pangmatagalang rehabilitasyon ng Oriental Mindoro.
Partikular aniya sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga residente nito ng mga bagong mapagkukunan ng kita at kabuhayan.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa gitna ng pamamahagi ng iba’t ibang tulong mula sa gobyerno sa munisipalidad ng Pola nitong Abril 15.
“Pero ang sabi ko nga sa kanila, ang livelihood program ay huwag para lang sa oil spill. Kahit na mawala na ‘yung oil spill, sana patuloy naman ‘yung livelihood program para ang mga residente ay meron namang option, meron namang pagkakataon na makasubok naman ng ibang hanapbuhay para makadagdag sa kinikita,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Una rito, personal na pinangunahan ng Chief Executive ang distribusyon ng iba’t ibang government assistance gaya ng fishing boats, water pumps, fish smoking machines, vegetable seeds at certified palay seeds sa mga mangingisda at mga residente ng Pola.
Nakapamahagi rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Php98.6 million halaga ng family food packs sa mga pamilya na apektado ng oil spill.
Ibinahagi naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsagawa na ito ng pagsusuri sa tubig at mga lamang dagat at nagkaroon na rin ng mga programang pangkabuhayan.
Patuloy rin ang paglilinis sa mga coastal areas ng probinsiya.
Mahigit 25,000 na pamilya naman sa 14 na baryo ang bahagi ng cash-for-work program nito kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Marami ring plano ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), para sa lalawigan sa ilalim ng recovery initiatives nito.
Bukod sa pamamahagi ng tulong, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang isang situational briefing patungkol sa epekto ng oil spill sa Oriental Mindoro kasama ang mga opisyal ng mga kaugnay na ahensiya at lokal na pamahalaan ng probinsiya.
Sa isang situation briefing, inatasan ng Punong Ehekutibo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipag-usap sa mga gobernador at local chief executives hinggil sa tinukoy na apat na alternative fishing sites para sa mga apektado ng oil spill.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos na ang national government, sa pamamagitan ng BFAR at DENR ay magpapatuloy sa pagmomonitor sa sitwasyon ‘on the ground.’
“Ininstructionan ko ang mga secretary upang gawin lahat,” ayon pa sa Pangulo.
Bago nito, ay nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Marcos kasama ang ilang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro para makita ang kabuoang pinsala.