PINAYUHAN ng kanilang doktor sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos na magpahinga muna matapos makaranas ng flu-like symptoms.
Inanunsiyo ito ng Presidential Communications Office (PCO) nitong gabi ng Miyerkules, Marso 20.
Saad ng PCO, dahil sa sunud-sunod na foreign trips kaya nakararanas ngayon ng flu-like symptoms ang dalawa.
Kaya naman, inabisuhan silang magpahinga para sa agarang paggaling.
“To ensure their speedy recovery, they have been advised by their attending physician to get some rest,” pahayag ng Presidential Communications Office (PCO).
Binibigyan na ngayon ng atensiyong-medikal sina PBBM at Liza.
“They have been taking fluids and medication to alleviate their symptoms. Currently, their vitals remain stable,” dagdag ng PCO.
Kasunod nito, kinansela na rin ang mga nakatakda sanang iskedyul ni Marcos Jr. sa natitirang araw sa linggong ito.
Kabilang rito ang dadaluhan sanang 127th Founding Anniversary Celebration ng Philippine Army sa Biyernes at ang Presidential Luncheon ng Foreign Correspondents’ Association of the Philippines (FOCAP) nitong araw ng Huwebes.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang PCO sa FOCAP Board upang i-reschedule ang naturang event.
Nitong hapon ng Miyerkules naman, bigo ring makadalo si Marcos Jr. sa isang event sa Quezon City dahil sa “urgent matters,” ayon sa PCO.