AALIS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Canberra, Australia ngayong Miyerkules.
Ito ang inanunsiyo ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ambassador Ma. Teresita Daza nitong Martes, Pebrero 27.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Daza na ang Pangulo ay magkakaroon ng Guest of Government visit sa Australia mula Pebrero 28-29.
Ang naturang pagbisita ay kasunod ng imbitasyon ni Australian Governor General David Hurley.
‘‘So, it covers the whole gamut of cooperation between the two countries, and it’s upon the invitation of the Governor who serves as the head of state of Australia. And it is in a way similar to a state visit, so because it’s upon invitation of the Governor, and the Governor is hosting the visit of the President in Canberra. As you all know, Canberra is the capital of Australia,’’ ayon pa kay Amb. Ma. Teresita Daza Spokesperson, DFA.
Inilahad pa ni Daza na ang pagbisita ng Pangulo at mga opisyal na aktibidad nito sa Canberra ay higit na magpapalakas sa umiiral na mga kooperasyon ng Pilipinas at Australia. Magbibigay-daan din aniya ito sa mga talakayan para sa mga bagong paraan ng pagtutulungan.
Ang Pilipinas at Australia ay nakatakdang ipagdiwang ang ika-78 anibersaryo ng diplomatikong relasyon sa huling bahagi ng taong ito.
Sa nasabing pagbisita, inaasahang maglalahad ng talumpati si Pangulong Marcos sa parliament ng Australia kung saan kasama sa kaniyang tatalakayin ang patungkol sa strategic partnership ng Pilipinas at Australia.
‘‘The visit is envisioned to further cement the strategic partnership that reaffirmed the two countries’ shared interest in regional prosperity and peace,’’ saad pa ni Amb. Daza.
Si Pangulong Marcos ang unang Pangulo ng Pilipinas na magsasalita sa harap ng Australian Parliament.
Magkakaroon din siya ng pormal na pagpapalitan ng mga pananaw sa iba’t ibang larangan ng pakikipagtulungan at mga isyu sa rehiyon.
Kasama ng pangulo sa mga talakayang ito ang matataas na opisyal ng Australia kabilang sina Governor General Hurley, Prime Minister Anthony Albanese, at iba pang Australian Parliamentary leaders.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, napagkasunduan ng Pilipinas at Australia na paigtingin ang kanilang strategic relationship.
PBBM, lalahok sa ASEAN-Australia Special Summit sa susunod na linggo
Samantala, inaasahan ding lalahok si PBBM sa ASEAN-Australia Special Summit sa Marso 4-6, 2024, sa imbitasyon ni Prime Minister Albanese.
Ang Australia ang pinakamatagal na dialogue partner ng ASEAN.
‘‘As the first ASEAN leaders level engagement for the year, the summit presents an opportunity for us to present the Philippine’s core position on regional and international issues and set the tone for dialogue partner summits later in the year, especially in October,’’ ayon Amb. Ma. Teresita Daza, Spokesperson, DFA.
Sa sidelines ng nasabing summit, magkakaroon din ng pagkakataon ang Pangulo na makipagkita sa Filipino community sa Melbourne.
Magsasagawa rin ng Philippine Business Forum na pangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI).