NAKATAKDANG umalis ngayong araw si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Japan para daluhan ang Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan summit kasabay ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN-Japan Relations, na may temang “Golden Friendship, Golden Opportunities.”
Una nang inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office of ASEAN Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa ASEAN-Japan summit ay mahalaga dahil isa ang Japan sa unang dialogue partners at pinaka-dynamic partners ng ASEAN.
Kabilang ang transnational crimes at security issues sa tatalakayin ng world leaders sa naturang regional gathering sa Tokyo.
Saklaw rin sa talakayan ang mga usapin tulad ng depensa, mutual legal assistance, mutual economic activities, gayundin ang cultural at people-to-people activities.
Magkaroon din ng bilateral meeting sa pagitan ni Pangulong Marcos at Japanese Prime Minister Fumio Kishida, na magiging unang official engagement ng Pangulo sa Japan.
Dadalo si Pangulong Marcos sa isang hapunan kasama ang Prime Minister sa State Guest House, o ang Akasaka Palace sa Disyembre 16.
Ang ASEAN proper ay gaganapin sa Disyembre 17 kung saan pag-uusapan ang ilang isyu kabilang ang West Philippine Sea (WPS).
Bukod pa sa ASEAN-Japan Summit, inaasahan ding makikipagpulong si Pangulong Marcos sa Japanese business leaders upang pagtibayin ang partnerships sa pagitan ng Pilipinas at Japan.