NAKIKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Philippine Mayors Forum sa Quezon City ngayong umaga ng Biyernes, Oktubre 27.
Ang nasabing forum ay pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng UN Resident Coordinator’s Office at United Nations Development Programme (UNDP) Philippines.
Kasama ni Pangulong Marcos si DILG Secretary Benhur Abalos, Jr. maging ang mga alkalde mula sa mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa, gayundin ang mga opisyal ng pambansang pamahalaan, mga kinatawan ng UN, at international experts.
Sinabi ni Secretary Abalos na ang forum ay idinisenyo upang palakasin ang mga LGU bilang kaalyado ng gobyerno.
Ang event ay naglalayong i-highlight ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga local government unit (LGU) sa pagkamit ng United Nations Department of Economic and Social Affairs (UN DESA) 2030 Agenda for Sustainable Development Goals (SDGs).
Bibigyang-diin sa forum ang kritikal na kontribusyon ng LGUs sa pagpapatupad ng Sustainable Development Goals tungo sa pagkamit ng ‘Ambisyon Natin 2040.’
Ibinahagi ng DILG chief na mahalaga ang localization ng Sustainable Development Goals dahil ito ay nasa sentro ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.
Ang PDP ay batay sa eight-point socio-economic agenda ng administrasyong Marcos, na nagsisilbing pangkalahatang economic blueprint ng bansa sa pagpaplano ng pag-unlad para sa susunod na anim na taon.
Ang forum ay tinaguriang “Philippine Mayors Forum: Innovation, Digital Governance, and Resiliency Building towards Accelerated Implementation of the 2030 Agenda in the Philippines”.