GINAWARAN ng US Department of Defense si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng full military honors sa pagdalo nito sa Pentagon para sa kaniyang meeting kasama si US Defense Secretary Lloyd Austin.
Inihayag ng tanggapan ng US Department of Defense Protocol na ang buong parangal na iginawad kay Pangulong Marcos ay ang unang ibinigay sa isang dayuhang pinuno ng estado o gobyerno sa ilalim ng administrasyong Biden.
Isang tanda rin ng pagpapahalaga ng Amerika sa relasyon nito sa Pilipinas ang ginawang seremonya.
Ang pagbisita ni Marcos sa Pentagon ay kasunod ng pagpapatibay ng Pilipinas at US sa kanilang alyansa sa seguridad sa gitna ng mga tensiyon sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Ipinarating ni Pangulong Marcos ang kaniyang pagpapahalaga sa imbitasyon ng U.S. President na may pangunahing layunin na higit pang palakasin ang relasyon na inilarawan niyang napakatatag at long-standing.
“And so, Mr. Secretary, I look forward to a very bright future between the Philippines and the United States. A future that is founded on the long, experienced and as you said, friendship and familial relationship, it’s the people-to-people, the people-to-people exchanges between our two countries have been ongoing at every level,” saad ni Pangulong Marcos.
Ipinangako naman ng US Defense Chief ang kahandaan ng Amerika sa pagsuporta sa Pilipinas sa bisa ng Mutual Defense Treaty para sa seguridad at kaunlaran ng dalawang mga bansa.
Nauna nang nagpulong sina Pangulong Marcos at Secretary Austin sa Palasyo ng Malacañang noong Pebrero.