NAKARATING na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang isyu ng bilihan ng pirma para sa People’s Initiative (PI).
“Well, pagka-binayaran ‘yung signature, hindi tatanggapin ng COMELEC ‘yun. So walang mangyayari dun,” ito ang direktang sagot ni Pangulong Marcos kung nakarating ba sa kaniya ang isyu ng pera o ayuda kapalit ng pirma sa People’s Initiative.
Ang isyu ang dahilan ng ‘Dabawenyos Are Not For Sale’ rally, kamakailan sa Davao City.
Tutol sila rito dahil binibili anila ang kanilang pirma kapalit ng ayuda sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor & Employment (DOLE).
Paiimbestigahan na ng Pangulo ang nasabing isyu.
“Pagka-alam ko wala namang ganun ang sinasabi, hindi bayaran ng cash kundi nangangako ng kung anu-anong benefits. Tinitingnan namin sabi ko, tinanong ko sa lahat sa atin legislation, sabi ko totoo ba ‘yan hindi naman nagbago ‘yung mga release namin e’ constant pa rin,” saad ng Pangulo.
Bukod sa Davao City, may mga isyu rin ng bilihan ng pirma sa Quezon City.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na mahalagang maamyendahan ang Economic Restrictions ng 1987 Constitution.
Pero, itinanggi nito na siya ang pasimuno ng PI matapos ituro ni Sen. Ronald dela Rosa na nasa likod ng kampanya.
“It is imperative that we re-examine the Constitution and carefully scrutinize pertinent economic provisions to eliminate the barriers that restrict potential growth,” saad ni House Speaker Martin Romualdez.
Para naman kay Pangulong Marcos, hindi niya puwedeng ipahinto ang dole-out programs ng pamahalaan. Kahit na ang layunin ay maiiwas sa duda na nagagamit ang pera ng bayan sa PI.
“The other things para hindi tayo pagdudahan, stop muna natin ‘yung pag-release ng mga benepisyo, e’ hindi naman maganda rin ‘yun dahil may mga nangangailangan talaga,” ani Pangulong Marcos.
Nakatanggap na ang Commission on Elections (COMELEC) ng mga lagda para sa PI at mandato naman ng Pangulo:
“So, we will just let COMELEC do their job, do their work, and validate the signatures and if there’s suspicion, at may ganun nga, hindi talaga mabibilang mga signature na ‘yun,” ayon kay Pangulo Marcos.