INANYAYAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang world leaders at Chief Executive Officers (CEOs) sa 10th Asia Summit sa Singapore na mamuhunan sa Pilipinas.
Sa kaniyang keynote address sa naturang summit nitong Miyerkules, muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang lumalagong ekonomiya ng Pilipinas upang imbitahan ang mga world leaders at CEOs na mag-invest sa bansa.
Inilahad din ng punong-Ehekutibo na bukas ang bansa para sa negosyo at handang makipagtulungan sa kanila sa paghubog ng isang magandang kinabukasan para sa lahat.
Sinabi ni Pangulong Marcos na may magandang dahilan para piliin ang Pilipinas bilang destinasyon ng pamumuhunan.
Binanggit ng Pangulo na sa kabila ng mataas na inflation at global market instability, ang ekonomiya ng Pilipinas ay lumago ng 7.6 percent noong nakaraang taon, ang pinakamabilis na rate ng paglago na naitala ng bansa mula noong 1976, nang ang kaniyang ama ang nakaupong Presidente.
“I also wish to take this opportunity to share with you the developments happening in my country and why you should consider investing in the Philippines. As we navigate a world marked by uncertainty, the Philippines remains steadfast in its pursuit of economic growth, social progress, and sustainable development,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Natalakay rin ni Pangulong Marcos ang magandang growth projections ng World Bank at International Monetary Fund (IMF).
Aniya, inaasahang magpapatuloy ang pagpapalawak ng ekonomiya ngayong taon kung saan ang mga pandaigdigang institusyon tulad ng World Bank at IMF ay may projections na lalago ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas ng humigit-kumulang 6 na porsiyento ngayong 2023.
Investment opportunities ng Maharlika Investment Fund sa Pilipinas, binalangkas ni PBBM sa 10th Asia Summit
Samantala, binalangkas din ni Pangulong Marcos ang investment opportunities ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa Pilipinas
Ani Pangulong Marcos, ang paglalagay ng MIF ay ang paraan ng gobyerno sa pag-tap sa reserba ng bansa para sa pamumuhunan nang walang pagtaas ng mga utang.
Muli ring nagbigay ng katiyakan si Pangulong Marcos na hindi ang gobyerno ang magpapatakbo ng pondo ng MIF, kundi ang mga professional fund manager.
Ito’y upang mapanatili ang kalayaan sa financial operations at policy making.
Binalangkas din ni Pangulong Marcos sa policymakers at economic managers sa pagtitipon na ang imprastraktura, pag-unlad ng enerhiya, at agrikultura ay kabilang sa investible opportunities sa Pilipinas patungkol sa MIF.
“We have also recently launched our own sovereign wealth fund, the Maharlika Investment Fund (MIF). The Fund is designed to consolidate investible funds from government financial institutions to further drive economic development through strategic investments both domestically and overseas,” dagdag ng Pangulo.
Ang Asia Summit 2023 ay nakatuon sa mga talakayan nito sa mga isyu tungkol sa peace and stability, inequality, cultural differences, at irreparable environmental damage.
Si Pangulong Marcos ang unang nakaupong Pangulo ng Pilipinas na humarap sa summit, kung saan tinalakay niya ang mga prayoridad na polisiya at programa sa harap ng economic managers at business leaders.