PBBM, iniutos sa gov’t agencies, LGUs na suportahan ang Elderly Filipino Week celebration

PBBM, iniutos sa gov’t agencies, LGUs na suportahan ang Elderly Filipino Week celebration

NAGLABAS ang Malacañang ng Memorandum Circular (MC) No. 34 na nag-uutos at naghihikayat sa mga ahensiya ng national government at local government units (LGUs) na suportahan ang mga aktibidad ng senior citizen sa taunang pagdiriwang ng ‘Linggo ng Katandaang Filipino’ (Elderly Filipino Week).

Sa isang memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 29, inutusan ng Palasyo ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) na pangunahan ang pagsasagawa ng mga aktibidad at programa sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week, alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng Republic Act ( RA) 11350, o ang “National Commission of Senior Citizen Act”.

Layon nitong matiyak ang buong pagpatutupad ng mga batas, patakaran at programa ng pamahalaan para sa mga senior citizen.

Ang implementasyon ng memo ay popondohan ng mga kasalukuyan at available appropriations ng concerned agencies, napapailalim sa pagbabadyet, accounting, at mga batas sa pag-audit, gayundin ng mga tuntunin at regulasyon.

Idineklara ito ng RA 11350 na isang state policy, na suportahan ang mga hakbang na nagsusulong sa kalusugan at kagalingan ng Filipino senior citizens, magbigay ng mga serbisyo, programa at aktibidad na kapaki-pakinabang sa kanila, at tiyakin ang isang matulungin at mapagbigay na kapaligiran para sa mga matatanda.

Idineklara din ng Proclamation No. 470 (s. 1994) ang unang linggo ng Oktubre ng bawat taon bilang Linggo ng Katandaang Filipino upang i-highlight ang makabuluhang papel ng sektor ng matatanda sa nation-building at sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan at kapakanan.

Inihayag ng Palasyo na magiging matagumpay ang taunang pagdiriwang sa partisipasyon ng lahat ng national government agencies (NGAs) at instrumentalities, kabilang ang GOCCs, GFIs, state universities and colleges at LGUs.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter