PBBM, iniutos sa mga ahensiya na pabilisin ang pagtulong sa mga biktima ng baha sa Samar

PBBM, iniutos sa mga ahensiya na pabilisin ang pagtulong sa mga biktima ng baha sa Samar

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na bilisan ang mga relief operation at iba pang tulong sa mga biktima ng baha sa Northern at Eastern Samar.

Nakatakda sanang magtungo sa Catarman ang Pangulo ngunit hindi itinuloy dahil sa masamang panahon sa lugar.

Kaya naman, ito ay nag-udyok sa kaniya na magsagawa ng situational briefing sa mga opisyal ng Samar sa pamamagitan ng Zoom sa Tacloban City nitong umaga ng Huwebes.

Habang nasa Tacloban, inatasan ni Pangulong Marcos sa pamamagitan ng Zoom briefing, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin na maisaayos ang mga kalsada para sa mabilis na pamamahagi ng tulong.

Pinatitiyak ni Pangulong Marcos sa DPWH na madadaanan lahat ng kalsada para mas mabilis ang pamamahagi ng food packs at relief goods sa mga biktima ng baha.

Nakahanda rin ang DSWD para sa pamamahagi ng 100,000 food packs para sa mga apektadong pamilya.

Sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na nakapaghanda na sila ng mahigit 100,000 food packs para ipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Eastern at Northern Samar.

Idinagdag ni Gatchalian na tinatapos na rin nila ang listahan ng mga apektadong pamilya at indibidwal na ang mga bahay ay totally o partially damaged.

Ito ang magiging batayan ng kanilang matatanggap na tulong-pinansiyal mula sa gobyerno para simulan muli ang pagsasaayos ng kanilang mga bahay.

Samantala, bago tapusin ang pulong, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Department of Agriculture (DA) ay magbibigay ng kinakailangang tulong sa mga apektadong pamilya at mamamahagi ng mga punla at iba pang produktong agrikultural.

PBBM, iniutos ang pagtiyak ng sapat na suplay ng maiinom na tubig sa mga apektado ng pagbaha sa 𝐒𝐚𝐦𝐚𝐫

Bukod dito, ipinag-utos din ni Pangulong Marcos sa mga ahensiya at lokal na pamahalaan sa Samar na tiyakin ang suplay ng sapat na maiinom na tubig sa mga komunidad na apektado ng pagbaha.

Ayon sa mga lokal na opisyal ng Samar, mayroong available na water filtration system sa Bicol at maaari ding magdala ng karagdagang water purifying machine ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

PBBM, tiniyak na matatanggap ng mga biktima ng lindol sa Mindanao ang lahat ng tulong mula sa pamahalaan

Matapos ang briefing sa Samar ay bumisita naman si Pangulong Marcos sa General Santos City upang personal na subaybayan ang kalagayan ng mga biktima ng lindol sa naturang lugar.

Personal ding pinangasiwaan ng Punong Ehekutibo ang pagtugon sa sakuna ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga biktima ng lindol sa parte ng Mindanao na matatanggap nila ang lahat ng kinakailangang tulong mula sa pamahalaan.

Inilahad ni Pangulong Marcos na inihanda na ng gobyerno ang lahat ng kinakailangang tulong at relief operations sa mga biktima ng lindol.

Kasama rin aniyang nakahanda ang tulong ng pamahalaan para sa muling pagtatayo ng mga bahay ng tinamaan ng lindol.

Binigyang-diin ng Chief Executive na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga biktima ng lindol.

Matatandaang isang 6.8-magnitude na lindol ang tumama sa Sarangani Province noong Biyernes.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter