ISINUSULONG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpasa ng Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
Kinilala ni Pangulong Marcos ang kontribusyon ng health workers sa bansa.
Partikular ang kahalagahan ng trabaho at sakripisyo ng BHWs lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang pagpasa ng Magna Carta para sa BHWs ay lubos na magpapaangat sa kanilang kalagayan.
“I’m also happy to say, I was with the PLLO [Presidential Legislative Liaison Office] and kasama na doon sa napasa na na mga batas ay isa doon was the Magna Carta for Barangay Health Workers. Kaya’t malaking bagay ‘yan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ang Magna Carta for Barangay Health Workers ay isa sa House bills sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), na inaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa Kamara.
Pahayag ni Pangulong Marcos, malaki ang papel ng mga BHW ng bansa sa kasagsagan ng coronavirus pandemic at sa pagbibigay ng mga serbisyo.
Gayundin ang pagsasagawa ng mga ito ng house-to-house visits at pagpapasya kung sino sa populasyon ang kailangang ipadala sa mga ospital at isolation facilities.
Nabanggit din ni Pangulong Marcos na ang BHWs ay mahalagang mapagkukunan din ng impormasyon para sa policy decisions ng national government.
“At kaya’t para naman magkaroon kami ng magandang decision sa national level ay kailangan pa rin namin ng tulong ng BHW” dagdag ni Pangulong Marcos.
Kasunod ng mga inisyal na diskusyon, sinabi ni Pangulong Marcos na tiniyak ng kanyang administrasyon na magiging priority measure ang Magna Carta para sa BHWs.
Inaasahan din ng Chief Executive na walang magiging oposisyon sa panukalang batas dahil sa kahalagahan ng trabaho ng mga health worker.
Batay sa inilabas na pahayag ng Presidential Communications Office, ang Magna Carta for Barangay Health Workers ay kabilang sa LEDAC-priority bills na naipasa na sa Kamara subalit naka-pending pa sa Senado.
Samantala, sa panayam sa programa ng SMNI Nightline News kay Barangay Health and Workers (BHW) Partylist Rep. Angelica Natasha Co, sinabi nito na umaasa siyang magkaroon ng sapat na panahon ang Senado para ipasa ang nasabing panukala.
Kaugnay dito, binigyang-diin ng mambabatas ang hindi birong trabaho ng barangay health worker.
Nitong Miyerkules, nakipagkita si Pangulong Marcos kay Congw. Co at federation leaders sa Malacañang.
Dahil dito, nakakuha ng suporta ang BHWs kay Pangulong Marcos dahil nais nito ang pagpasa sa proposed Magna Carta for the Barangay Health Workers.
Umaasa rin si Co na early next year ay matatanggap na ng BHW ang benefits at incentives kapag naipasa na ang Magna Carta for Barangay Health Workers.