PBBM, itatalakay ang sitwasyon, plano, at programa sa ikalawang SONA

PBBM, itatalakay ang sitwasyon, plano, at programa sa ikalawang SONA

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa sambayanang Pilipino na tatalakayin niya sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24 ang mga nagawa sa unang taon ng kaniyang administrasyon at ang mga programa at plano para sa bansa at para sa mamamayang Pilipino.

Sa sideline sa seremonya ng Award for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU), sinabi ni Pangulong Marcos na ang kaniyang SONA ay nakatuon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, kung ano ang nangyari sa nakaraang taon at kung ano ang mangyayari sa mga darating na taon.

Ani Pangulong Marcos, titingnan nito kung ano na ang resulta doon sa mga pinag-usapan noong unang SONA.

“Like any SONA, it will be a report to the nation as to what the situation has been, what happened in the last year since the last SONA, where we are now, what we have managed to do, and where we still have work to do. That is essentially the template that we’re going to use.”

“At sa palagay ko naman, mayroon naman tayo ipapakita and that’s what the content of the SONA, I think, will probably be,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Gayunman, sinabi ng Punong Ehekutibo na nais niyang ipreserba ang ilan pang mga detalye tungkol sa SONA.

Sa ngayon, isinasagawa na ang mga preparasyon kasama ang lahat ng mga materyales na kakailanganin sa SONA.

Kabilang sa mga highlight ng unang SONA ni Pangulong Marcos ang paglikha ng Philippine Development Plan para sa 2023 hanggang 2028 upang palakasin ang ekonomiya ng bansa.

Kasama rin ang mga pagsisikap na tugunan ang tumataas na presyo at kakulangan ng suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagtaas ng produksiyon ng mga magsasaka.

Nangako rin ang Pangulo na magtatag ng national network ng farm-to-market roads, moratorium sa land amortization, agrarian reform beneficiary loan, isulong ang industriya ng turismo, palakasin ang pagtugon sa kalamidad at maging ang pagsisikap ng gobyerno laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata.

Iniutos din ni Pangulong Marcos sa Department of Health (DOH) na palakasin ang sistema ng kalusugan ng bansa para maiwasan ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19, isulong ang mas maraming health center at ospital at magbigay ng murang gamot para sa mamamayang Pilipino.

Tinalakay rin ng Punong Ehekutibo ang pagsisikap ng gobyerno na gawing digital ang mga transaksiyon sa negosyo, unahin ang pagpapuunlad ng imprastraktura, pahusayin ang public-private partnership at gawing moderno ang mga lumang railway system sa bansa.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang pagsisikap ng kaniyang administrasyon na magbigay ng mura at maaasahang enerhiya, nuclear power plants, renewable energy, disaster resilience at freshwater supply.

Nanindigan din si Pangulong Marcos na protektahan ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Nanindigan din ang Chief Executive sa foreign policy ng bansa na hindi pababayaan o ipamimigay ang kahit ni isang pulgadang parisukat ng teritoryo ng bansa.

Panghuli, mayroong proposed 19 measures ang Pangulo para maipasa ng Kongreso bilang suporta sa kaniyang mga plano sa administrasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter