PBBM, kinilala ang katatagan at pagiging maaasahan ng DSWD sa loob ng higit 70 taon

PBBM, kinilala ang katatagan at pagiging maaasahan ng DSWD sa loob ng higit 70 taon

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang katatagan at pagiging maaasahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa loob ng mahigit 70 taon.

Nitong umaga ng Martes, nakiisa si Pangulong Marcos sa 72nd anniversary ng DSWD at inagurasyon at ceremonial turn-over ng bagong multi-purpose building ng ahensiya.

Sa kanya pang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na nanatiling hindi natitinag ang DSWD sa misyon nito na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa kagipitan, ang mga nasa panganib, at ang mga taong dehado.

Sa katunayan, ani Pangulong Marcos, napatunayang mahalaga ang dedikasyon ng DSWD sa tagumpay ng marangal na institusyon at marangal na gawain para sa mga tao.

Kaya naman, nakikiisa si Pangulong Marcos sa buong sambayanang Pilipino sa pagpapahayag ng pasasalamat sa DSWD sa patuloy na kahusayan sa pagbibigay ng serbisyo-publiko.

Ang tema sa selebrasyon para sa taong ito ay “DSWD@72: Kaagapay sa Pagbangon, Katuwang sa Bawat Hamon.”

Ang pagdiriwang ngayong taon ay nagbibigay ng pagkilala sa DSWD workforce bilang mga kampeon ng taos-puso at pinagkakatiwalaang serbisyo-publiko, gayundin ang pangunahing lakas ng institusyon sa pagganap ng mandato nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter