PBBM, kumpiyansa sa Gilas Pilipinas na magdadala ng karangalan sa bansa

PBBM, kumpiyansa sa Gilas Pilipinas na magdadala ng karangalan sa bansa

HINDI pinalampas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.  ang pagkakataon na personal na mapanood ang paglalaro ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifier Game laban sa Saudi Arabia.

Ito ang unang sports event na dinaluhan ng Chief Executive matapos manalo ito sa presidential elections.

Tampok sa final game ng August Window at koponan ng Pilipinas ang Filipino American national at NBA superstar ng Utah Jazz na si Jordan Clarkson.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok si Clarkson kung saan ginanap mismo sa home court ng Gilas Pilipinas ang Qualifier Game.

Tinambakan ng Gilas Pilipinas sa score na 84-46 ang Saudi Arabia kaya hindi na nakapagtataka ang pagtayo at pagpalakpak ng Pangulo sa katagumpayan na nakamit ng koponan ng bansa.

Tinanghal si Clarkson na bilang Best Player of the Game kung saan nakapagtala ito ng 23 points, 5 rebounds at 6 assists.

Sa Tweet, nagpaabot si Pangulong Marcos Jr. ng pagbati sa Gilas Pilipinas.

“Binabati natin ang Gilas Pilipinas sa kanilang panalo laban sa koponan ng Saudi Arabia sa naganap na FIBA World Cup Asian Qualifiers Game kagabi,” saad ng Pangulo.

“Kumpiyansa tayo na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para makapagdala ng karangalan sa bansa,” dagdag nito.

Malaki ang kumpiyansa ni Pangulong Marcos Jr. na gagawin ng Gilas Pilipinas ang lahat ng kanilang makakaya upang makapaghatid ng karangalan sa bansa.

 

Follow SMNI News on Twitter