BIYAHENG Riyadh si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. simula Oktubre 19, 2023 araw ng Huwebes para daluhan ang ASEAN Gulf Cooperation Council Summit.
Ito ang unang pagkakataon na gagawin ang pagpupulong magmula nang maitatag ang kooperasyon sa pagitan ng ASEAN at GCC taong 1981.
Ayon kay Assistant Secretary Daniel Espiritu ng Office of the ASEAN Affairs ng DFA, ang biyahe ni Pangulo sa Saudi Arabia ay saglit lang.
“So, the President will fly on October 19, and then he will be leaving the venue right after the dinner on October 20– right after the summit. So, it will be very fast ‘no parang more than 24 hours lang na stay there,” saad ni Asec. Daniel Espiritu, Office of the ASEAN Affairs, DFA.
Maharlika Investment Fund, labor reforms para sa OFW, isusulong ni PBBM sa Saudi Arabia
Magkakaroon ng pagkakataon si Pangulong Marcos na makapagpulong sa mga negosyanteng Arabo sa business roundtable kasama ang Ministry of Investments ng Saudi Arabia.
Sa bilateral meeting ng Pangulong Marcos sa Kingdom of Saudi Arabia ay ilalatag nito ang mga usaping sesentro sa pang-ekonomiya ng Pilipinas, kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at pagpapalalim ng mahigit limang dekadang relasyong diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa.
“Of course, part of the discussion could be the presentation of the Maharlika Fund to the Kingdom of Saudi Arabia and its businesses; again, the protection of our nationals abroad especially in terms of labor reforms being proposed for the Kingdom of Saudi Arabia; and the Arab assistance to the development of our BARMM, the Bangsamoro Autonomous Region in [Muslim] Mindanao,” ayon pa kay Espiritu.
Inihayag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may nakatakdang bilateral meeting si Pangulong Marcos sa Bahrain na sesentro sa mahigit apat na dekadang diplomatic relations ng dalawang bansa.
Mga hindi nabayarang suweldo ng 10,000 OFW, tatalakayin ni PBBM sa Kingdom of Saudi Arabia
Hindi rin palalampasin ni Pangulong Marcos na idulog sa Kingdom of Saudi Arabia na maayos ang gusot sa nasa 10,000 OFW na hindi pa nakatatanggap ng kanilang suweldo.
Magugunitang ipinangako ng pamahalaan ng Saudi Arabia na ang dalawang bilyong riyal taong 2022 para sa mga suweldo ng mga OFWs na naapektuhan kasunod ng mga construction firm sa Saudi na na-bankrupt.
Una nang inihayag ni Pangulong Marcos sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na mismong si Saudi Arabia Prince Mohammed Bin Salman ang nangako na maisasakatuparan ito.
Mga Pilipino sa Saudi Arabia, kukumustahin ni PBBM
Mabibigyan din ng pagkakataon na makadaupang palad ng mga Pilipino sa Riyadh sa gaganaping pagkikita ni Pangulong Marcos sa Filipino community sa Saudi Arabia.
Sa tuwing pumupunta sa ibang bansa ang Pangulong Marcos ay hindi nito pinapalampas ang pagkakataon na makamusta ang mga OFW at personal na maireport sa kanila ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon.