BINIGYANG-linaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naghahanap lamang ng mga paraan ang gobyerno upang gawing perpekto ang pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund.
Nabanggit ito ni Pangulong Marcos sa kaniyang departure speech bago lumipad papuntang Saudi Arabia nitong umaga ng Huwebes, kasunod na rin ng inisyung memorandum ng Malacañang na nagsususpinde sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas.
Sinabi ng Pangulo na medyo naalarma siya sa mga balita na kaniyang nabasa sa mga pahayagan na umano’y itinigil na ang Maharlika Fund.
Ani Pangulong Marcos, kabaligtaran ito, dahil sa katunayan, nais ng pamahalaan na pabilisin ang implementasyon ng batas.
Target lamang ng gobyerno na mas mapabuti ang pagpapatupad ng Maharlika, kaya sasailalim pa ito sa mas malalim na konsultasyon, hindi lamang sa economic managers, kundi pati na rin sa mga indibidwal na involve sa naturang fund.
Muli namang iginiit ni Pangulong Marcos na ang konsepto ng Maharlika Fund bilang isang sovereign o investment fund ay nananatiling maganda.
Tiniyak din ni Pangulong Marcos na nananatiling ‘committed’ ang pamahalaan na maging operational ang Maharlika Fund sa pagtatapos ng taon.
Umapela naman si Pangulong Marcos na dapat hindi ma-misinterpret ang ginawa ng gobyerno, bilang paghusga sa tama o mali ng pondo ng Maharlika.
Inihayag din ni Pangulong Marcos na patuloy niyang ipiprisenta ang Maharlika Investment Fund sa sidelines ng ASEAN-GCC Summit sa Saudi Arabia.