PBBM, muling iginiit ang panawagan kay Teves na umuwi na ng bansa

PBBM, muling iginiit ang panawagan kay Teves na umuwi na ng bansa

MULING inulit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kaniyang panawagan para kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. na umuwi na ng Pilipinas.

Ito’y upang harapin ang mga paratang laban sa kaniya sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ilang iba pa.

Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos makapanayam sa PR 001 o eroplanong sinakyan mula sa pagdalo sa 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Labuan Bajo, Indonesia.

At sa naging bilateral meeting kasama si Timor-Leste Prime Minister Taur Matan Ruak sa Indonesia, sinabi ni Pangulong Marcos na kinumpirma ng opisyal na nag-a-apply nga ng political asylum si Teves sa kanilang bansa ngunit tinanggihan ito.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si Ruak sa mabilis na pagkilos sa aplikasyon ni Teves.

Aniya, ikinatuwa ng gobyerno ng Pilipinas ang mabilis na desisyon ni Ruak dahil mas madali para sa mga awtoridad na ibalik si Teves sa bansa para sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Una nang iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinanggihan ng Timor-Leste ang aplikasyon ni Teves para sa political asylum at inutusan siyang umalis ng bansa sa loob ng limang araw.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter