NAKIPAGKITA si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Filipino community sa Washington, D.C.
Ginawa ito sa ikalawang araw ng kaniyang official visit sa Estados Unidos ng Amerika nitong Mayo 1, 2023.
Bukod sa mga taga-Washington D.C., nagtungo rin sa pagtitipon ang mga Pilipino mula sa kalapit na mga estado ng Maryland at Northern Virginia, gayundin mula sa Virginia Beach, Alabama, Tennessee, South Carolina, at Caribbean.
Kabilang din sa dumalo sa okasyon kasama ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng Philippine Nurses Association (PNA) at Global Migrant Heritage Foundation (GMHF) gayundin ang mga guro, dating U.S. Navy at mga beterano.
Ibinahagi naman ni Philippine Ambassador to the USA Jose Manuel Romualdez na sa kasalukuyan, mayroong 4.3 milyong Pilipino ang naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng U.S.
Inilalarawan ni Romualdez ang mga Pilipinong ito na nasa U.S. bilang ‘mga tunay na ambassador’ ng bansa dahil sa kanilang pagsusumikap, pagiging palakaibigan at kakayahang makisalamuha saan man sila naroroon.
Nagpapalakas din ito ng people-to-people ties ng dalawang bansa.
Bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Marcos at U.S. President Joe Biden, isinagawa
Bago nito, ay mainit na tinanggap sina Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos nina U.S. President Joseph Biden at First Lady Jill Biden sa pagdating nila sa White House sa Washington, D.C. nitong Mayo 1.
Ang dalawang Pangulo ay nagdaos ng isang bilateral meeting kung saan inanunsiyo ni Biden ang pagpapadala ng isang presidential trade and investment mission sa Pilipinas.
Ito’y upang mapahusay ang mga pamumuhunan ng mga kompanyang Amerikano sa innovation economy, clean energy transition, critical minerals sector at food security.
Muling pinagtibay ni Biden ang matatag na pangako ng U.S. sa pagtatanggol sa Pilipinas, kabilang ang patuloy na suporta nito para sa modernisasyon ng militar.
Inihayag din ng Pangulo ng U.S. na ang dalawang bansa ay hindi lamang nagbabahagi ng matibay na pakikipagtulungan kundi maging ng malalim na pagkakaibigan din na pinayaman nang presensiya ng Filipino-Americans sa U.S.
Para naman kay Pangulong Marcos, kinilala nito ang aniya’y sole treaty partner ng Pilipinas upang palakasin ang mga alyansa at pakikipagtulungan sa harap ng bagong ekonomiya, post-pandemic world at geopolitical na mga isyu sa rehiyon kung saan matatagpuan ang Pilipinas.