NAKIUSAP si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga transport groups na huwag munang ituloy ang kanilang isang linggong tigil-pasada sa March 6-12.
Sa ambush interview sa Rizal Park sa Maynila, sinabi ng Pangulo na maraming mga commuters ang maghihirap kung matutuloy ang ikinakasang strike.
Una nang inanunsyo ng transport groups ang kanilang planong tigil-pasada bilang protesta sa PUV Modernization Program ng gobyerno.
Bagama’t suportado ni Pangulong Marcos ang pagpapatupad ng modernization program, aminado itong hindi naging maganda ang implementasyon ng programa base sa kanyang pag-aaral.
Sinabi ng Pangulo na dapat ipatupad ang transport modernization sa ibang paraan at tingnan ang “real time table” upang maisama ang mga electric vehicles sa polisiya.