PBBM, nanawagan na palakasin ang nat’l at local gov’t partnership

PBBM, nanawagan na palakasin ang nat’l at local gov’t partnership

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga local government unit (LGU) na gawin ang kanilang bahagi sa pagpapalakas ng partnership sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan para isulong ang development agenda ng administrasyon.

Ang pahayag ng pangulo ay sa gitna ng panunumpa sa kanilang tungkulin ng mga bagong opisyal ng Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) sa Malacañang nitong Mayo 16.

Sa kaniyang mensahe, iginiit ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtutulungan ng nasyonal at lokal na pamahalaan.

Ito’y upang maayos na maisakatuparan ang iba’t ibang programa na nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang suporta ng kaniyang administrasyon sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang parte ng bansa para maitaas ang antas ng kanilang kapasidad sa paglilingkod.

North Luzon lawmakers, hinikayat na magpasa ng mga batas at programa para sa mga maralitang Pilipino

Sa kabilang dako, pinangasiwaan din ni Pangulong Marcos ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng Northern Luzon Alliance (NLA) sa Palasyo sa kaparehong araw.

Ang NLA ay samahan ng mga mambabatas sa Hilagang Luzon na naglalayong palakasin ang kanilang alyansa at pagkakaisa sa ngalan ng serbisyo publiko.

Sa kaniyang talumpati, nanawagan si Pangulong Marcos para sa mas matibay at nagkakaisang ‘Solid North’.

Saad pa ni Pangulong Marcos, kasama ng pamahalaan ang NLA sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga Pilipino, hindi lamang sa Hilagang Luzon, kundi sa buong Pilipinas.

Hinikayat ni Pangulong Marcos ang NLA na gamitin ang ‘Solid North’ regional bloc para sa pagpapasa ng mga batas at programa para sa mahihirap na Pilipino.

Gayundin ang pagtataguyod at pakikiisa sa gobyerno para sa mga reporma sa ekonomiya ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter