PBBM, pinabibilis sa DHSUD at NHA ang pagbibigay ng housing units at land titles sa Yolanda survivors

PBBM, pinabibilis sa DHSUD at NHA ang pagbibigay ng housing units at land titles sa Yolanda survivors

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na bilisan ang pagbibigay ng mga kinakailangang tulong sa mga nakaligtas sa Super Typhoon Yolanda.

Sa kaniyang talumpati sa 10th Yolanda Commemoration Anniversary sa Tacloban City nitong Miyerkules, hinimok ni Pangulong Marcos ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Housing Authority (NHA) na bilisan ang pagkakaloob ng mga housing unit at titulo ng lupa sa mga benepisyaryo.

Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang Yolanda Response Clusters na mahigpit na makipagtulungan sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan upang matugunan ang mga matagal na isyu ng iba’t ibang apektadong komunidad.

“Let us continue to work hard so that we can provide them with the tools and the resources to rebuild their lives,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kinilala naman ng Pangulo ang Disaster Risk Reduction at Management (DRRM) efforts ng Tacloban sa pamamagitan ng paglikha ng contingency, public service at disaster response plans kapwa sa barangay at city level.

“Your endeavors to establish emergency evacuation SOPs and emergency response teams are noteworthy and serve as examples for other local governments around the country. Equally important is your collective action to protect and rehabilitate your communities,” dagdag ni Pangulong Marcos.

PBBM, dinaluhan ang ika-10 anibersaryo ng paggunita sa hagupit ng Bagyong Yolanda sa Tacloban City

Nitong Miyerkules, bumisita si Pangulong Marcos sa Tacloban City para sa ika-10 Yolanda Commemoration Anniversary kung saan pinangunahan din nito ang wreath laying ceremony sa Yolanda Memorial Monument at inalala ang mga nasalanta ng bagyo.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang Pangulo sa international community na nagpaabot ng kanilang tulong sa mamamayang Pilipino at sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan), lalo na sa rehabilitasyon ng Tacloban City.

“To all the national leaders, to all the local leaders, then and now, the private sector, the international [and] local organizations, volunteers, [and] donors: accept our eternal gratitude,” ani Pangulong Marcos.

Kasama ni Pangulong Marcos sa naturang event sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, Sen. Francis Tolentino, Sen. Mark Villar, DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, at iba pang dayuhang panauhin.

Matatandaang noong 2013, nagdulot ang Bagyong Yolanda ng malawakang pagkawasak at kalunos-lunos na kumitil sa buhay ng humigit-kumulang 6,300 indibidwal.

Ang kumbinasyon ng malakas na hangin at malakas na pag-ulan ay humantong sa malawakang pagbaha, na nagdulot ng malawak na pinsala sa imprastraktura, kabilang ang communication at road networks.

Dahil dito, nahadlangan ang agarang pag-deploy ng relief efforts, na nagpalala sa tindi ng humanitarian crisis.

Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang tinatayang 14,433 pamilyang lumikas sa Tacloban City lamang.

Paggamit ng bagong teknolohiya para sa mahusay na disaster response at pagtugon sa climate change, tiniyak ni PBBM

Sa kabilang banda, tiniyak ng Pangulo na ang administrasyon ay palaging magsisikap na masiguro na ang mga epekto ng mga natural na kalamidad tulad ng Super Typhoon Yolanda, ay mababawasan o mapapagaan sa pamamagitan ng isang mas konkretong plano sa climate change.

Sa katunayan, sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na nagtatayo ang gobyerno ng disaster-resilient evacuation at emergency operations centers, at naglalagay ng mas sentralisado at mahusay na early warning system, incident command systems, at disaster response strategies.

Idinagdag ng Punong Ehekutibo na ang deployment ng mga bagong teknolohiya, tulad ng GeoRiskPH at PlanSmart kasama ang patuloy na pagsasagawa ng information and education campaigns at simulation drills ay kapaki-pakinabang din sa pagsagip ng mga buhay.

“I therefore call on our citizens to partner with us in bolstering our country’s disaster preparedness, recovery, and resiliency so that we can overcome whatever storms we will face. It is an opportunity to become stronger, wiser, and better as we a people and we as a country,” dagdag pa ng Pangulo.

2023 Handa Pilipinas Visayas Leg Opening Ceremony sa Tacloban, pinangunahan ni PBBM kasabay ng Yolanda anniversary

Samantala kasabay ng Yolanda anniversary, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang 2023 Handa Pilipinas Visayas Leg Opening Ceremony sa isang hotel sa Tacloban City.

Ang naturang event ay isang taunang paglalahad ng mga inobasyon sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM).

Tampok sa three-day event na ito ang isang serye ng technology fora, kung saan ang mga eksperto at resource speaker ay detalyadong tinatalakay ang DOST-developed, supported, at funded DRRM technologies.

Ang kaganapang ito ay kasabay rin ng pagdiriwang ng 2023 Regional Science, Technology, and Innovation Week sa Eastern Visayas.

Follow SMNI NEWS on Twitter