PERSONAL na tumungo si Vice President at Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Communication and Command Center upang tingnan ang sitwasyon sa mga lansangan ng Metro Manila sa pagsisimula ng tigil-pasada nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay VP Sara, pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi maabala ang mga commuters na papasok sa kanilang mga trabaho at mga estudyanteng patungo sa kani-kanilang mga eskwelahan.
Sabi ng pangalawang pangulo na ang paghahanda ng MMDA ay higit pa sa kanilang projection na mapaparalisa ang transport sector.
“Kailangan prepared ‘yung response ng ating gobyerno, ng ating pamahalaan. Mahalaga na hindi maabala ang mga tao at commuters natin na nasa daan ngayon dahil hindi tayo nag-cancel ng trabaho at hindi rin tayo nag-cancel ng classes ng mga estudyante natin,” ayon kay Vice President Sara Duterte.
Pinasisiguro rin ni Pangulong Marcos ani VP Sara na maprotektahan ang ibang mga public utility vehicles (PUV) na piniling bumiyahe.
VP Sara: Mga klase, hindi sususpendehin sa gitna ng tigil-pasada
Iginiit naman ng pangalawang pangulo na hindi magkakansela ng mga klase sa gitna ng tigil-pasada.
“There will be no exception of classes during a transport strike. The only exception is if the local government units (LGUs) will declare a cancellation of classes. But the MMDA do not recommend the cancellation of classes,” dagdag ni VP Sara.
Inendorso naman ng Office of the Vice President (OVP) ang kanilang mga bus sa MMDA na magsisilbing rescue vehicles para sa mga maapektuhang commuters ng tigil- pasada.
Transport group na nagtigil-pasada, hinikayat ni VP Sara na makipagdayalogo sa gobyerno
Nanawagan naman si VP Sara sa ilang transport group na nagtigil-pasada na makipag-dayalogo sa gobyerno upang ilapit ang kanilang mga hinaing lalo na patungkol sa PUV Modernization program.
Batay sa report ng LTFRB ani VP Sara, 70 porsiyento ang compliance ng mga PUV driver sa nasabing programa.
“Ituloy ‘yung pagdayalogo kung anuman ‘yung kanilang mga hinaing, kung anuman yung kanilang mga isyu, dalhin nila sa lamesa, sa pakikipag-usap sa ating gobyerno. Ang MMDA is always ready and willing to present their success stories with regard to their modernization,” ani VP Sara.
Tigil-pasada, bigong maparalisa ang pampublikong transportasyon—MMDA
Batay sa asessment ng MMDA, normal ang takbo ng pampublikong transportasyon sa gitna ng tigil-pasada.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, sa 686 units na inilaan para sa Libreng Sakay, nasa 66 lamang ang nagamit.
“I can confidently say na hindi po naparalisa ang pampublikong transportasyon ngayong umaga. So patuloy po kaming magmomonitor,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
Iginiit pa ni Artes na nakahanda sila kung magpapatuloy ang tigil-pasada sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ni Artes na nakatulong ang pagsuspinde ng number coding scheme.
“Nakatulong iyan sa pag-augment. Kasi ‘yung iba instead na magpampublikong transportasyon ay gumamit na lang ng kanilang sasakyan. Although ang resulta nga lang po ay ‘yung mas mabigat na daloy ng traffic,” ani Artes.