PBBM, posibleng bibisitahin ang mga apektado ng shear line pagkatapos ng kanyang state visit sa China

PBBM, posibleng bibisitahin ang mga apektado ng shear line pagkatapos ng kanyang state visit sa China

INILAHAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang posibilidad na kanyang bibisitahin ang mga lugar na apektado ng matinding pagbaha dahil sa shear line.

Ito’y pagkatapos aniya ng kanyang state visit sa China na tatagal mula Enero 3 hanggang 5.

Nais ni Pangulong Marcos na makita at malaman ang kondisyon ‘on the ground’ matapos maapektuhan ng naturang sama ng panahon.

Noong araw ng Pasko, ang malakas na pag-ulan ay nagpalubog sa mga kanayunan, bayan at highways sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao  kung saan napilitan ang maraming residente na lumikas sa kani-kanilang mga tahanan.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ginagawa na ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang trabaho sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya at indibidwal.

“Probably, yeah, to see what happened. Unfortunately, tuluy-tuloy pa rin ‘yung ulan eh. So we have to keep watching the other areas also. Kaya… But yes, probably if there is a reason to go. I think that so far our social services have done their job. But it always helps to go and see for yourself. So I’ll try to make the time to go,” ayon kay Pangulong Marcos.

Kamakailan lang ay nagpaabot na ng agarang tulong ang DSWD Regional Office 10 sa mga bayan sa Misamis Oriental.

Ibinahagi ng ahensiya ang family food packs at iba pang non-food items sa mga pamilyang naapektuhan ng flash floods noong nakaraang Linggo.

Siniguro naman ng DSWD na tuluy-tuloy ang pagdating ng tulong sa mga probinsyang naapektuhan ng shear line na nagdulot ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Personal na ring inalam ni DND-OIC Jose Faustino Jr. at Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer ang kalagayan ng mga residente sa Misamis Occidental na matinding binaha dahil sa shear line.

Kasabay nito, tiniyak ni Faustino na patuloy na hahatiran ng kinakailangang tulong ang lalawigan alinsunod na rin sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Marcos.

Follow SMNI News on Twitter