PBBM sa DOJ: Magtalaga ng mahuhusay na panel of prosecutors para sa Degamo Case 

PBBM sa DOJ: Magtalaga ng mahuhusay na panel of prosecutors para sa Degamo Case 

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Justice (DOJ) ang paglalagay ng mahuhusay na panel of prosecutors na hahawak sa Degamo Case.

Matapos katigan ng Korte Suprema ang hiling ng DOJ na ilipat sa Maynila ang mga kasong isinampa sa Negros Oriental na may kinalaman sa pagpatay kay Governor Roel Degamo, sinabi ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla na pinaplantsa pa ng mga awtoridad ang mga karagdagang kasong isasampa sa mga may kinalaman sa krimen.

Ayon kay Remulla, nagkaroon sila ng pagpupulong kasama si Pangulong Marcos, araw ng Martes kung saan ang pagbuo ng mahuhusay na panel of prosecutors na hahawak sa Degamo Case ang isa sa mga inutos aniya ng Pangulo.

Ito ay para aniya hindi sila magkamali sa proseso ng pagsasampa ng mga kasong kriminal.

Isa sa mga lumulutang na mastermind sa krimen ay si Cong. Arnie Teves. 

Una namang sinabi ni Remulla na hindi nila pababayaan ang seguridad ng kongresista kung uuwi na ito ng bansa. 

Sakali namang hindi ito uuwi at mayroon na itong kaso sa Pilipinas, ay itutulak ng DOJ ang extradition para ito ay mapauwi dito.

Sa huling impormasyon ng DOJ, nasa Southeast Asia si Teves.

Napag-alaman naman na mayroon nang unang murder complaints na inihain ang PNP-CIDG sa DOJ laban kay Teves dahil sa umano’y pagpatay na nangyari sa Negros Oriental noong taong 2019. 

Follow SMNI NEWS in Twitter