BINIGYANG-dangal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang medical workers, OFWs, mga guro, magsasaka at iba pa, bilang bagong bayani ng henerasyon kasabay ng paggunita ng National Heroes Day.
Ngayong Araw ng mga Bayani, inihayag ni Pangulong Marcos na panatag nang naitataguyod ang bansa ngayon dahil sa mga dakilang bayani ng kasalukuyang henerasyon.
“Isang malaking karangalan ang makapiling kayong lahat sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pinangunahan ni Pangulong BBM ang paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio sa Taguig City ngayong araw, Agosto 29.
Sa naturang event, nag-alay ng mga bulaklak si Pangulong Marcos kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro.
Ito ay bilang pagbibigay-pugay sa katapangan at sakripisyo ng mga bayaning Pilipino na nag-alay at nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan, sa hustisya at kalayaan.
“Dahil sa kanilang sakripisyo, gumaan ang mga suliraning pinapasan natin sa buhay at sa lipunan. Inialay nila ang kanilang lakas at kakayahan hindi para sa papuri o gantimpala kung hindi upang pagtibayin ang diwa ng pagkakaisa at upang makamit ang ating mga pangarap para sa bayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa mensahe pa ni Pangulong Marcos, kinilala at pinarangalan din nito ang mga makabagong bayani ng ating panahon.
Dahil aniya sa kanilang malasakit at kabutihang loob, naging mas mabuti ang kalagayan ng bansa ngayon.
Kabilang sa maituturing na mga bagong bayani, ani Marcos, ang mga magsasaka at mga agricultural worker na buong araw na nagsisikap upang matugunan ang mga pangangailangan para sa seguridad ng suplay ng pagkain.
Pinasasalamatan din ng Punong-Ehekutibo ang mga sektor ng kalakalan at industriya na nangunguna sa landas tungo sa maunlad na ekonomiya.
“May mga hamon man tayong hinaharap sa nagdaang dalawang taon, patuloy pa rin nilang binuksan ang kanilang mga negosyo para sa publiko. Kahanga-hanga rin ang kanilang pakikiisa sa ating pamahalaan lalo na may mga negosyong matapat na nagbabayad ng kanilang empleyado kahit na nauubusan na ang kanilang pondo,” ani Pangulong Marcos.
Bukod dito, kinilala rin ng Pangulo ang lahat ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho ng buong husay at buong dangal.
Ngayon namang nagbalik-eskwela na ang mga kabataan ay pinuri ni Pangulong Marcos ang mga guro at iba pang kawani sa sektor ng edukasyon.
Aniya, panatag ang kalooban ng mga magulang na nasa mabubuting kamay ang mga kabataan dahil sa hindi matatawarang dedikasyon ng mga guro.
Hindi rin kinalimutan ng Punong Ehekutibo ang mga propesyunal at mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na araw-araw nakikipagsapalaran sa panganib kalakip ng kanilang sinumpaang tungkulin.
“Kanilang isinasalang-alang ang sariling kaligtasan at kalusugan malagpasan lamang ng ating mga kababayan ang pandemyang kinahaharap natin ngayon,” ani PBBM.
Kabilang din sa binigyang-dangal ng Pangulo ang mga frontliner kasama rito ang kapulisan, mga sundalo, barangay officials, community leaders, pati na rin ang mga ecological warriors at iba pang sektor.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ngayong National Heroes Day ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Aniya, nagsasakripisyo ang mga OFW sa ibayong dagat mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa kabila ng mga pagsubok ng kinakaharap ng OFWs, nagbigay katiyakan naman si Pangulong Marcos sa kaligtasan ng mga ito lalo na ang mga naiipit sa mga kaguluhan sa bansang kanilang kinaroroonan.
Bukod dito, inaalala rin ng Chief Executive ang kabayanihan ng mga beteranong nakipaglaban noong panahon ng digmaan.
“Makakaasa kayo na ang pamahalaang ito ay mananatiling aktibo sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa inyong mga pangangailangan lalo na para sa kanilang mga rekisitong pangkalusugan,” aniya pa.
“Kaisa ng Philippine Veterans Affairs Office, magpapatayo tayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan natin para sa ating mga beterano,” dagdag ng Pangulo.
Mababatid na ang tema ng paggunita ng Araw ng mga Bayani ngayong taon ay ‘Kabayanihan Tungo sa Pagkakaisa at Pag-unlad.’
Samantala, hindi rin kinalimutan ni Pangulong Marcos ngayong National Heroes Day na hikayatin ang lahat na magpabakuna na kontra COVID-19 upang mapangalagaan ang kalusugan ng bawat isa.