PBBM sa pribadong sektor, mga ahensiya: Lumikha ng inclusive workspaces para sa PWDs

PBBM sa pribadong sektor, mga ahensiya: Lumikha ng inclusive workspaces para sa PWDs

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa persons with disabilities (PWDs) ang suporta ng kaniyang administrasyon upang matiyak ang kanilang inclusion at empowerment sa bansa.

Nagsilbing kinatawan ni Pangulong Marcos si Executive Secretary Lucas Bersamin sa 30th Apolinario Mabini Awards ceremony sa Malacañang Palace nitong Hulyo 18.

Sa mensahe pa ng Pangulo, na inilahad ni Bersamin, nanawagan si Pangulong Marcos sa parehong kinauukulang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor na tugunan ang kasalukuyang mga hamon na kinakaharap ng mga PWD.

“As President, I assure you that the government remains dedicated to addressing the challenges faced by our PWDs so that they can fully participate in shaping our society,” pahayag ni ES Lucas Bersamin, Executive Secretary.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga ito na lumikha ng mas inclusive workspaces para sa PWDs na magbibigay sa kanila ng patas na mga oportunidad sa trabaho.

Idinagdag ng Pangulo na ang pagbibigay ng isang healthy environment para sa mga PWD ay kasama sa layunin ng pamahalaan para sa isang “Bagong Pilipinas na Walang Maiiwan.”

Tiwala naman si Pangulong Marcos na ang Department of Social Welfare and Development, ang Department of Health, local government units, at lahat ng partner-agencies ay patuloy na palalakasin ang mga programa at serbisyo na humihikayat sa mga PWD na makibahagi sa nation-building.

“Continue your various advocacies that reduce prejudice and promote the acceptance and empowerment of our PWDs to eliminate stigma, discrimination, and exclusion,” dagdag ni Bersamin.

Pinuri ni Pangulong Marcos ang Mabini Awardees sa pagtataguyod ng karapatan ng persons with disabilities (PWDs) sa Pilipinas.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled (PFRD) sa pagtataguyod ng mga hakbang upang maiwasan ang disability; protektahan at i-rehabilitate ang mga may kapansanan; at, magbigay ng pantay na pagkakataon para sa mga PWD.

Ang Apolinario Mabini Awards, na inilunsad ng Philippine Foundation for Rehabilitation of the Disabled, Inc. noong 1974, ay nagbibigay ng pagkilala sa mga indibidwal, grupo at ahensiya na may natatanging kontribusyon sa pag-angat ng kapakanan ng mga PWD.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter