PBBM sa Scout Rangers: Ipagpatuloy ang tapang at kahusayan sa pagtatanggol ng bansa para sa kapayapaan

PBBM sa Scout Rangers: Ipagpatuloy ang tapang at kahusayan sa pagtatanggol ng bansa para sa kapayapaan

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa First Scout Ranger Regiment  (FSRR) ng Philippine Army (PA) na ipagpatuloy ang kanilang tapang, husay, at pagpapalakas pa ng kanilang kakayahan sa tulong ng mga pagsasanay sa ilalim ng Department of National Defense (DND).

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa dinaluhang ika-73 Founding Anniversary ng First Scout Ranger Regiment na ginanap sa Camp Pablo Tecson sa San Miguel, Bulacan nitong weekend.

Sa kaniyang talumpati, iniutos ni Pangulong Marcos na tugunan ang mga mabibigat na isyu para sa paghahangad ng walang hanggang kapayapaan sa Pilipinas.

“I enjoin the Scout Rangers to continue to exemplify bravery, dedication, excellence, professionalism, courage in your mission of safeguarding and developing our nation,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kasabay nito, kinilala ni Pangulong Marcos ang mga huwarang Scout Rangers sa isang conferment ceremony.

Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang dedikasyon ng mga ito sa kanilang tungkulin.

“Over the years, the First Scout Ranger Regiment has stood as a stalwart defender, showcasing unparalleled loyalty and soldiering, and professionalism. From jungle to urban warfare expertise, our unit has evolved to meet the ever-changing challenges” aniya.

Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang mga sumusuporta sa First Scout Ranger Regiment.

Ang First Scout Ranger Regiment ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa iba’t ibang military operations kabilang na rito ang Zamboanga Siege noong 2013 at ang Battle of Marawi noong 2017.

Samantala, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan.

Nilinaw rin ni Pangulong Marcos na ang mga proklamasyon ng amnestiya sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 47 ay naghahayag ng hakbang tungo sa paghilom at pagpapalaganap ng kapayapaan.

Alinsunod na rin ito sa misyon ng mga Scout Ranger na pagkakaisa at pagkakabuklod.

“Our commitment to reconciliation and unity, reflected in the amnesty proclamation, aligns directly with the Scout Ranger mission.”

“By providing a path for former rebels to return to the fold of the law, the national amnesty program contributes to the overall stability and unity in our country,” ayon pa sa Pangulo.

Ang First Scout Ranger Regiment (FSRR) ay isa sa elite forces ng Philippine Army, na dalubhasa sa anti-guerilla warfare at counter-insurgency operations sa bansa.

Tinutugunan nito ang internal security threats, partikular ang mga dulot ng mga teroristang grupo at mga kilusang rebelde.

“This event is not just a celebration of history but a recognition of this unit’s pivotal role in confronting internal security threats and safeguarding our nation,” dagdag ng Pangulo.

Ang yunit ay itinatag noong Nobyembre 1950 at nilikha upang tugunan ang lumalaking banta ng pag-aalsa ng komunista, partikular ang pagkontra sa Hukbalahap insurgency at iba pang mga hamon sa seguridad sa Pilipinas.

Kasama ni Pangulong Marcos sina National Defense Secretary, Secretary Gilbert Teodoro; Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner;  Philippine Army Commanding General, Lieutenant General Roy Galido; First Scout Ranger Regiment Commander, Brigadier General Isagani Criste, at iba pang opisyal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble