SINAKSIHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ceremonial signing ng memorandum of agreement (MOA) para sa Kapatid Angat Lahat Agri Program (KALAP) na ginanap sa Palasyo ng Malakanyang nitong hapon ng Lunes.
Sa ilalim ng programang ito na nilagdaan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor, hinihimok ang mga malalaking negosyante o ang binansagang big brothers, na tulungan ang mga maliliit na negosyante ng agri sector o mga magsasaka at mangingisda.
“I am very, very happy to be able to say that the government is very supportive of all of these kinds of partnerships that we need to bring together, and perhaps these have been going on for a good long time,” saad ni Pangulong Marcos.
Programang ‘KALAP,’ magbibigay-daan sa mga magsasaka at MSMEs para maging mas produktibo at mapagkumpitensya
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang magandang dulot ng inisyatiba na pinamumunuan ng pribadong sektor na KALAP.
Malaking tulong aniya ito sa pagpapalago ng kabuhayan ng magsasaka at mangingisda.
Binigyang-diin ng Chief Executive na ang tunay na solusyon sa pag-angat ng sektor ng agrikultura ay ang pagtulong sa bawat magsasaka na kumita nang sapat.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na magbibigay-daan ang nasabing programa sa mga magsasaka at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na maging mas produktibo, mas kumikita, sustainable at globally competitive.
Makatutulong din ang KALAP sa pag-abot ng target ng administrasyon na magkaroon ng food security sa bansa, gayundin sa pagmodernisa ng naturang sektor at pagpapalakas ng agri sector ng bansa.
Ipinahayag naman ni Pangulong Marcos ang kanyang lubos na pasasalamat kay Go Negosyo Founder Joey Concepcion para sa mga pagsisikap ng pribadong sektor para sa ikalalago ng ekonomiya, partikular sa sektor ng agrikultura.
“At this point I think it is correct to take a few words and talk about Joey Concepcion who has been heading this. He has been prominent recently in bringing together these partnerships, bringing together these synergies in our economy especially to help our MSMEs, and in the process strengthening our middle class,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Samantala, naglaan din ng panahon si Pangulong Marcos na makipagkuwentuhan kay Maman Buanoy Layom, isang 98 years old na coconut farmer mula sa Palawan.
Si Layom ay isa sa mga benepisyaryo ng Lionheart Farms, na isa sa big brother companies na tumutulong sa small farmers sa ilalim ng Kapatid Angat Lahat Agri Program.