PBBM, sinertipikahang urgent ang Magna Carta of Filipino Seafarers

PBBM, sinertipikahang urgent ang Magna Carta of Filipino Seafarers

SINERTIPIKAHANG urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagsasabatas ng panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers.

Ito ang inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes.

Ang naturang Magna Carta ay tutukuyin ang mga karapatan at titiyakin ang kapakanan ng mga Filipino seafarer, kabilang ang reintegration program, grievance system, at social welfare benefits.

Sa isang liham na may petsang Setyembre 25 para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2221, na pinamagatang “An Act Providing for the Magna Carta of Filipinos Seafarers.”

Ito ay upang matugunan ang mga paulit-ulit na kakulangan sa mga lokal na batas na nauukol sa pagsasanay at akreditasyon ng libu-libong Filipino seafarer na naglalagay sa panganib sa kanilang trabaho partikular sa European market maging sa global maritime arena.

Inihayag din ng Pangulo na ginagarantiyahan ng panukalang batas ang international community na tutuparin ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa pagtiyak na ang pagsasanay, pasilidad, at kagamitan ng mga Filipino seafarer ay naaayon sa mga internasyonal na pamantayan at sa mga itinakda ng mga kaugnay na international conventions.

Ang Magna Carta of Filipino Seafarers ay inaprubahan na ng House of Representatives (House Bill No. 7325) sa pinal na pagbasa noong Marso 6 ngayong taon na may 304 affirmative votes.

Kasalukuyan namang nakabinbin ang panukalang batas sa Senado.

Matapos dumalo sa 3rd Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang noong nakaraang linggo, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang Magna Carta of Filipino Seafarers ay kabilang sa 20 priority pieces of legislation na hinimok ng Pangulo na ipasa sa Kongreso sa pagtatapos ng taon.

Umaasa ang Senate President na maipasa na sa ikatlong pagbasa ng Senado ang panukala ngayong linggo.

Noong 2021, naiulat ang Pilipinas bilang top source ng mga marino sa mundo, ayon sa United Nations Conference on Trade and Development.

Batay sa tala ng Maritime Industry Authority (MARINA) mula 2016 hanggang 2021, ang bansa ay nagdi-deploy ng mahigit 400,000 Filipino seafarers sa ibayong dagat.

Matatandaan na binandera ng European Maritime Safety Agency (EMSA) ang Pilipinas dahil sa hindi pagtalima sa International Maritime Safety Standards at Marine Education partikular sa International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW), na naglalagay sa panganib sa trabaho ng libu-libong seafarer.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter