TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibibigay ang lahat ng karampatang tulong sa naiwang pamilya ni Jullebee Ranara.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang iskedyul ni Pangulong Marcos ay nagawa pa rin nito na bumisita sa burol ng pinaslang na OFW sa Kuwait ngayong Lunes.
Pasado alas kwatro na ng hapon nang bumisita sa burol ni Ranara ang Pangulong Marcos sa Casimiro, Las Piñas City.
Nagpahayag ng pakikiramay at simpatiya ang Pangulo sa naiwang pamilya ni Jullebee.
Sa isang panayam, pinangako ng Pangulo ang lahat ng tulong na maipagkakaloob sa naiwang pamilya ni Jullebee.
Bukod pa dito, inihayag ni Pangulong Marcos na magkakaroon ng iskedyul para sa bilateral meeting sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait Government upang palakasin ang mga nakapaloob na kasunduan para sa kapakanan ng mga OFW sa Kuwait.
Samantala, una nang inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio na ipinoproseso na ang death burial at insurance ni Jullebee at bukod sa OWWA, iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan ang tumutulong din sa pamilya ni Jullebee.
Naniniwala rin si Ignacio na tutuparin ng Kuwait Government ang pangako nito na pananagutin ang suspek na pumaslang sa OFW.
Matatandaan nitong nakaraang araw, nagpadala ng sulat ang Kuwait Embassy sa Manila sa pamilya ni Jullebee at ipinangako nito ang hustisyang ibibigay ng pamahalaan ng Kuwait. Jullebee Ranara
Bukod kay Pangulong Marcos, marami na ring mga opisyal ng gobyerno ang bumisita sa burol ni Ranara.
Sinabi rin ni Ignacio na matatagalan pa ang libing ni Jullebee dahil sa mga kamag-anak na tunay na nagmamahal kay Jullebee ang inaasahan pang dadalaw sa burol nito.