PBBM, tiniyak ang pananatiling bukas at aktibo ng Pilipinas sa usaping karapatang pantao

PBBM, tiniyak ang pananatiling bukas at aktibo ng Pilipinas sa usaping karapatang pantao

MANANATILI ang pagiging bukas at aktibo ng Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao.

Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa gitna ng nilahukang plenary session ng Second Session for Summit for Democracy.

Sa kaniyang virtual message, sinabi ni Pangulong Marcos na makatutulong ang pananatiling aktibo ng Pilipinas sa usaping human rights para mapalakas pa ang demokrasya sa bansa.

Ito’y habang gagamitin aniya ng kaniyang administrasyon ang good governance para sa mabilis na economic recovery ng Pilipinas.

Gayunpaman, inilahad ni Pangulong Marcos sa world leaders na kalahok sa Democracy Summit na ang kaniyang administrasyon ay makikibahagi sa mga pandaigdigang pakikipag-ugnayan na kumikilala sa soberanya ng Pilipinas.

 “The Philippines will continue to engage countries bilaterally and in international platforms on issues concerning democracy, human rights, and good governance, as long as these engagements are constructive, based on facts, and respectful of Philippine sovereignty,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Justice System ng bansa, fully functional ayon kay Pangulong Marcos.

Samantala, iginiit din ni Pangulong Marcos na namamayani sa Pilipinas ang rule of law at gumagana nang buo ang criminal justice system ng bansa.

Sinabi ng Chief Executive na nakatuon ang Pilipinas sa pakikipaglaban sa impunity para sa mga atrocity crime sa kabila ng pag-alis ng bansa sa Rome Statute noong 2019.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag kasunod ng kaniyang pinakahuling statement na tuluyan nang itinigil ng Pilipinas ang anumang pakikipag-ugnayan at komunikasyon sa International Criminal Court (ICC).

Ito’y matapos tanggihan ng ICC ang kahilingan ng bansa na suspindihin ang patuloy nitong imbestigasyon sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Our criminal justice system is fully functional. We continue to improve mechanisms such as the AO 35 inter-agency committee to enhance accountability. The Philippines’ commitment to fight impunity for atrocity crimes is solid and unwavering, notwithstanding the withdrawal of the country from the Rome Statute,” ani Pangulong Marcos.

Sa paglaban ng Pilipinas kontra iligal na droga, binanggit ni Pangulong Marcos na patuloy na nakatuon ang gobyerno sa pagpapalakas ng mga programa ng estado sa rehabilitasyon, pag-iwas, edukasyon at tulong sa mga biktima ng illegal drugs at kanilang mga pamilya.

Nakatutok din aniya ang gobyerno sa pagtiyak ng transparency at pananagutan sa law enforcement operations.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay may National Legislation na nagpaparusa sa mga karumal-dumal na krimen.

“We have vigorously exercised our jurisdiction to investigate and prosecute crimes, including those allegedly committed in the context of the anti-illegal drugs campaign,” aniya.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang administrasyon ay nagbubuhos ng mga mapagkukunan at enerhiya sa pagpapabuti ng mga proseso sa mga imbestigasyon sa mga kaso maging sa Witness Protection Program.

2nd Session for Summit for Democracy, nilahukan ni Pangulong Marcos

Ang Estados Unidos ang nag-convene ng naturang Democracy Summit kasama ang mga co-host na bansa na Costa Rica, South Korea, The Netherlands, at Zambia.

Isa si Pangulong Marcos ang nagsalita sa isang plenary session para sa summit.

Ang gobyerno ng Pilipinas ay nakiisa sa ibang mga bansa sa pag-endorso sa deklarasyon ng United States-led Summit for Democracy ngunit hindi sumang-ayon sa linyang kumikilala sa kahalagahan ng ICC.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na pinalalakas din ng administrasyon ang well-established accountability mechanisms, maging ang mga patakaran ng pamahalaan upang protektahan ang kababaihan at mga bata.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter