PBBM, tiniyak ang tulong sa mga evacuee sa Albay

PBBM, tiniyak ang tulong sa mga evacuee sa Albay

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang tulong sa mga evacuee resident sa probinsiya ng Albay sa kaniyang pagbisita pasado 5:00 ng hapon, Hunyo 14.

Dalawang evacuation sites ang binisita ng Pangulo upang personal na makita ang kalagayan ng mga residente na naaapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Pinuntahan ng Pangulo ang Guinobatan Community College at San Jose Elementary School sa munisipalidad ng Guinobatan at Malilipot sa nasabing lalawigan.

Sinabi pa ng Pangulo na batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), aabutin pa ng 45 – 90 days bago makabalik sa 6km danger zone.

Kung kaya, kabilang sa mga interbensiyon ng pamahalaan ay ang paglalagay ng mga water filtration sa bawat evacuation center.

Paglalagay ng mga electric fan upang mas maging kumportable ang mga residente lalo na sa panahon ng tag-init.

At magdadagdag din ng transformer para makapag-produce ng mas maraming fan.

Nitong Hunyo 13, higit 800 pamilya o halos 3,000 indibidwal na ang nasa evacuation center sa Guinobatan.

Halos 1,000 residente o 1,617 na indibidwal ang nailikas na rin sa munisipalidad ng Malilipot.

Si Mayor Paul Chino Garcia ng Guinobatan Municipality ay sumulat na sa Department of Education (DepEd) upang humiling na palawigin pa ang pagpapagamit ng mga paaralan bilang evacuation centers.

Pangulong Marcos, inaalam ang kabuuang sitwasyon sa Albay kaugnay ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon

Samantala, nagpapatuloy ang situation briefing na pinangunahan ni Pangulong Marcos kaugnay sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Kasama ng Pangulo ang ilang miyembro ng gabinete, maging si Albay Governor Edcel “Grex” Lagman at mga lokal na opisyal ng lalawigan.

Sa pamamagitan nito ay mapapabilis na matutugunan ang problema na kinakaharap ng lalawigan matapos isailalim sa state of calamity simula noong Hunyo 9, 2023.

Nais tiyakin ng Pangulo na maihahatid sa mga naapektuhang residente ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, tubig, at iba pa.

Maliban diyan, dala rin ng Pangulo ang tulong-pinansiyal na nagkakahalaga ng P50-M sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Delayed ang naging situation briefing ng Pangulo sa Albay na dapat ay magsisimula ng 2:00 ng hapon.

11:00 pasado nitong umaga ng Miyerkules, kinumpirma ni Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil na nagkaroon ng technical issue ang eroplano ng Pangulo.

Dahil dito, kinakailangan bumalik ng Pangulo sa Villamor Airbase at gumamit ng panibagong aircraft patungong South Cotabato.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter