POSITIBO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magkakaroon ng malaking kontribusyon ang bagong itinalagang mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) pagdating sa peace process.
Partikular ito doon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ni Pangulong Marcos na sigasig na ipinangako ng mga bagong kawani ng BTA Parliament na ipagpapatuloy nito ang pagsusulong sa kapayapaan at seguridad ng mamamayan sa kanilang rehiyon.
Hangad din ni PBBM na magkaroon ng mas maayos at klarong talakayan ukol sa mga batas na kailangang maipasa para sa BARMM.
Kaya’t bilang Punong Ehekutibo ng bansa, nariyan aniya ito upang suportahan ang BARMM at ang BTA sa abot ng kanyang makakaya.
Una nang tiniyak ng Office of the President na dumaan sa maingat at objective na selection process ang pagtukoy ng BTA appointees.
Base ito sa criteria kabilang ang service record, qualification, at performance; maging ang kontribusyon ng mga ito sa Bangsamoro peace process; geographical o sectoral representation; at acceptability o credibility sa iba pang stakeholders.
Ipinangako ni PBBM ang buong suporta sa BARMM dahil kinilala niya ang mahalagang gawaing kailangang tapusin ng interim government sa loob ng 3 taon.
Binanggit din ng Punong Ehekutibo ang hirap na dulot ng pandemya para sa BTA na gawin ang trabaho nito.
Binigyang-diin pa ng Pangulo ang pangangailangang tapusin ang trabaho sa 2025 dahil wala nang anumang gagawing extension.