MAAARING asahan ng pamahalaang Pilipinas ang pinahusay na pakikipagtulungan sa gobyerno ng Singapore sa maraming larangan.
Ito ay bilang bunga ng positibong talakayan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Prime Minister Lee Hsien Loong, at Deputy Prime Minister Lawrence Wong nitong weekend.
Sa kaniyang opisyal na social media accounts, sinabi ni Pangulong Marcos na nagkaroon siya ng pagkakataong pag-usapan ang mga mahahalagang bagay sa isang hapunan kasama sina Prime Minister Lee at Deputy Prime Minister Wong noong Linggo.
Si Pangulong Marcos ay nasa isang opisyal na pagbisita sa Singapore kung saan tinalakay niya ang mga prayoridad na patakaran at programa sa harap ng economic managers at business leaders sa 10th Asian Conference na timawag na “A Conversation with the President of the Republic of the Philippines.”
Binigyang-diin ng Punong-Ehekutibo sa kaniyang 30 minutong talumpati ang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na mapabuti ang buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Ito’y sa gitna ng mga hamon mula sa makabuluhang pandaigdigang mga kaganapan.
Si Pangulong Marcos ang unang nakaupong Pangulo na humarap sa Milken Institute’s Asia Summit.
Singapore-based company na Dyson, nangakong mamuhunan ng P11-B sa Pilipinas
Sa kaniyang mabungang opisyal na pagbisita sa Singapore, natanggap ni Pangulong Marcos ang kumpirmasyon para sa P11-B investment pledge mula sa Singapore-based multinational technology company, Dyson na naglalayong mamuhunan sa bansa sa 2024.
Nangako ang Dyson na mamuhunan ng P11-B sa bansa, na bubuo ng humigit-kumulang 1,250 empleyado at maglilipat ng mas maraming contract manufacturing sa Pilipinas sa kalagitnaan ng 2024.
Malaysian firm na Valiram Group, palalawakin ang operasyon sa Pilipinas
Bukod dito, sinabi pa ng Chief Executive na matapos itong makipagpulong sa mga opisyal ng Valiram Group, isang Malaysian retail specialist, ay tinitingnan din ng naturang kompanya ang pagpapalawak ng mga operasyon nito sa Pilipinas.
Plano aniya ng kompanya na magtayo ng duty-free retail outlets sa mga airport ng Pilipinas sa susunod na limang taon.
Inilahad ng Valiram Group na nais nilang dalhin ang karanasan ng customer sa ibang antas, lalo na sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas maraming espasyo sa mga gateway ng bansa, pag-alis ng stress at abala sa gitna ng security checks.
Samantala, nanood din si Pangulong Marcos ng F1 Grand Prix sa Singapore kung saan ang pagdalo nito sa naturang event ay sa imbitasyon ni Prime Minister Lee.
Bumisita rin si Pangulong Marcos sa mga overseas Filipino worker sa Singapore.