NANINDIGAN ang Malakanyang na wala pang itinatalagang bagong Immigration commissioner si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Pinasinungalingan din ang kumakalat na appointment letter sa social media at pinaiimbestigahan ang posibleng forgery ng presidential seal at lagda ng Chief Executive.
Dahil dito ay posibleng maharap sa pagkakakulong kapag napatunayang nagkaroon ng pamemeke ng appointment letter gamit ang selyo ng Pangulo at kaniyang pirma.
Ito ang iginiit ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kaugnay sa napaulat na umano’y pagkakatalaga ng dating Dean of the College of Law ng New Era University na si Atty. Abraham Espejo bilang bagong Immigration commissioner na inilabas ng media kasabay ng isang appointment letter.
Ayon kay Angeles, base sa pagsisiyasat nito lumalabas na walang ganitong appointment letter sa mga tanggapan ng Palasyo.
“Next, kahapon may lumabas ng mga news reports tungkol sa appointment sa posisyon ng Immigrations commissioners. Kasama nung announcement na yun ay isang dokumento na nag-a-attest to the appointment. Tungo dito at matapos ang pagtatanong at pagsisiyat, wala pong dokumento na ganun sa PMS, sa Office of the Executive Secretary or sa Office of the President. Walang record ng dokumento na ‘yun,” pahayag ni Cruz-Angeles.
Ayon sa batas pwede maharap sa reclusion temporal o ang pagkakakulong ng mula 12-20 taon ang sinumang mapatutunayang namemeke ng seal ng gobyerno kabilang na dito ang lagda ng Pangulo.
“ Ayon sa Revised Penal Code, Article 161, ang pag-forge ng great seal of the gov’t , signature ng president or stamp ng presidente ay pinaparusan ng reclusion temporal. Ang reclusion temporal po ay 12 to 20 years,” ayon kay Cruz-Angeles.
Paliwanag ni Angeles na nababahala si Pangulong Marcos Jr kaya iniutos nitong imbestigahan ng Department of Justice sa pamamagitan ng NBI at ng PNP-CIDG.
“‘Yung ganitong klaseng crimes can cause instability. Ito po ‘yung pangunahin sa isip ng ating Pangulo na magkakagulo kung ganito yung papabayaan nating mangyari. Bukod pa nun tandaan natin signature ng ating Pangulo ang pinanghihinalaan nating na forge so medyo mabigat yung implications nya. Hindi rin natin alam kung ano ang maaaring paggamitan ng mga ganung klaseng dokumento. It can cause not just confusion but further crimes. Kung kaya’t with this in mind nag-order siya ng investigation,” saad ni Cruz-Angeles.
Kumpiyansa naman ang Palasyo sa kapasidad ng NBI at CIDG na kaya nitong pangunahan ang imbestigasyon at malaman ang puno’t dulo ng nasabing issue.
Bukas naman ang Palasyo na makipagtulungan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga nagpakalat ng pekeng dokumento kaugnay sa umano’y appointment ng bagong Immigration commissioner.