PAGDATING sa importasyon ng bigas—Pilipinas ang palaging nangunguna.
Ang Pilipinas nga ay isang agricultural country —ngunit hindi maipagkakaila na umaasa tayo sa importasyon.
Patunay rito ang inilabas na bagong datos ng Department of Agriculture (DA) simula Enero hanggang Nobyembre ay umabot na sa halos 3.9 milyong metriko tonelada ang inangkat na bigas ngayong 2024.
Hindi pa kasama sa bilang na ito ang paparating pang mga imported na bigas sa susunod na buwan.
Kaya naman mas mataas na ito kumpara sa inangkat na bigas noong 2022 na nasa 3.826 milyong MT lamang.
Hindi umano ito maituturing na magandang balita sabi ng grupong Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) dahil mayaman sa agrikultura ang Pilipinas.
‘Yun nga lang at hindi sapat ang suplay ng lokal na bigas sa bansa.
“Importation is not always good news but for purposes of food security we are short of rice. We do not produce enough rice to feed our people so wala kang choice nun,” ayon kay Danilo Fausto, President, PCAFI.
Malaking hamon kasi sa suplay ng pagkain lalo na sa bigas ang mga nararanasang sakuna at kalamidad na nagiging dahilan umano kung bakit mababa ang suplay.
Patunay umano diyan ang epekto ng El Niño phenomenon, pananalasa ng sunud-sunod na mga bagyo at inaasahan ding epekto ng La Niña.
Kung sila anila ang tatanungin, posible pang lumobo ang kasalukuyang datos ng importasyon ng bigas bago matapos ang taong 2024.
“So, I’m expecting that the importations will even surpass the 4 million metric tons level. It is also been projected by the USDA [United States of Department of Agriculture] that the importations will be bigger because we had a lot of damage suffered from our rice plantations because of the last week and the other week flooding,” dagdag ni Fausto.
Una na nga ring sinabi ng DA na nalagpasan na ang average damage na 500,000 hanggang 600,000 metric tons sa palay dahil sa naitalang mga bagyo ngayong taon.
Ito rin ang naging dahilan kung bakit bumaba ang target production harvest ng ahensiya sa 19 milyong MT mula sa 20 milyong MT kada taon.
Gayunpaman, sinabi ng PCAFI na mabuti na lamang na nararamdaman na kahit papaano ang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Pero, umaasa ang grupong PCAFI na walang manananamantalang importers at traders sa nararanasang kalamidad ng bansa.
“What will be the effect of this to the consumers depending on the manipulation of the importers of the prices of the imported rice,” ani Fausto.