PCC sa Karapreneur: Dagdagan ang produksiyon ng gatas

PCC sa Karapreneur: Dagdagan ang produksiyon ng gatas

HINIKAYAT ng Philippine Carabao Center (PCC) ang mga magsasaka ng kalabaw sa La Union at Pangasinan na pataasin ang produksiyon ng gatas.

Ito’y dahil nakararanas ng kakulangan sa suplay ng gatas ng kalabaw tuwing pasukan dahil sa programa ng pamahalaan na milk feeding para sa mga mag-aaral sa elementarya.

Ayon kay Vilma Gagni, PCC Director na naka-base sa DMMMSU Rosario, La Union, naging karapreneur ang mga magsasaka ng kalabaw dahil ini-empower ng ahensiya ang mga ito na maging negosyante partikular na sa gatas ng kalabaw.

 “Ini-empower natin ang ating mga magsasakang kalabaw na maging business-minded kumbaga. So, ang kagandahan nito dahil nagkaroon po tayo ng batas ng RA 11037 tinatawag itong Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act. ‘yung batas na ‘yun, ‘yun ‘Yung naging daan para ‘yung ating magsasaka ay kumbaga naging business sila,” ayon kay Vilma Gagni, PCC Director, DMMMSU Rosario, La Union.

Subalit kinukulang anito ang suplay ng gatas ng kalabaw tuwing pasukan dahil sa malaking demand nito para sa milk feeding program sa probinsiya ng La Union at Pangasinan.

Kaya naman hinihikayat ni Gagni ang mga magsasaka ng kalabaw na dagdagan pa ang produksiyon ng gatas.

“Dito po sa Pangasinan at La Union, mga ganitong panahon kasi nag-uumpisa ‘yung milk feeding sa pasukan comes September to December ‘yun po kumbaga kulang na kulang ‘yung ating suplay ng gatas. So ini-encourage din namin talaga ‘yung ating magsasaka na maging masigasig sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon para matugunan ang suplay sa ating milk feeding program,” dagdag ni Vilma Gagni.

Sa panahon naman na walang klase, tiniyak ni Gagni na handa nilang tulungan ang karapreneur na maibenta ang natitira pang mga produkto ng gatas.

“So ‘yun po ‘yung ginagawan natin ng paraan na matulungan natin ang ating karapreneurs kumbaga ina-assist natin sila para i-link sa iba’t ibang market establishment para maibenta nila ang kanilang produkto,” ani Gagni.

Dagdag pa ni Gagni, maraming nagagawang produkto sa gatas ng kalabaw kabilang dito ang yogurt, choco milk, milk candy o pastillas de leche, polvoron, espasol de leche, at ice cream na may iba’t ibang flavor.

Hinihikayat din ni Gagni ang mga private investors na subukan ang pagnenegosyo sa buffalo production dahil malaki ang demand dito.

 “Dapat sana may mag-engage na private sector para dumami po ang ating kalabaw kasi nga mas marami ang nangangailangan, may mga bumibili na LGUs, kami din po sa ngayon ay nangangailangan ng around 2,000 heads this year. Hinihikayat ko po ang ating private investors na mag-engage po sa buffalo production,” aniya.

Ang PCC na nakabase sa DMMMSU, Rosario, La Union ay tuluy-tuloy ang genetic improvement program na nagpapataas ng lahi sa mga katutubong kalabaw sa iba’t ibang barangay sa Pangasinan at La Union.

Follow SMNI NEWS on Twitter