KASALUKUYANG itinatayo ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Ports Authority (PPA) ang isang K-9 training facility sa Clark, Pampanga.
Ayon sa social media post ng PCG, ang naturang pasilidad ay magsisilbing sentro ng comprehensive at advanced training facility ng lahat ng working dogs ng Coast Guards at ng kanilang handler sa Pilipinas.
Target nitong makagawa ng K-9 units na mainam sa search and rescue, threat detection at fugitive apprehension.
Makatutulong din ito upang hindi na gumastos sa hinaharap ang PPA ng 30 million pesos mula sa annual budget nito para sa private working dogs at K-9 handlers upang i-maintain ang seguridad sa port areas.
Kauna-unahang uri naman ito ng pasilidad sa buong Southeast Asia ayon sa official Twitter post ng PCG.