PCG, nagkaloob ng house repair kits sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Negros Occidental

PATULOY na nakikipagtulungan ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lokal na pamahalaan para sa Visayas at Mindanao dahil sa malawak na pinsalang iniwan ng Bagyong Odette sa bansa.

Sa katunayan, isa sa mga humanitarian assistance na ipinagkakaloob ngayon ng PCG ang paghahatid ng house repair kits sa mga apektadong residente sa Negros Occidental.

Nasa 50 house repair kits ang lulan ng BRP Nueva Vizcaya (SARV-3502) para sa mga benepisyaryo nito.

Dagdag pa rito ang 900 food packs at 500 hygiene kits na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya sa Negros Occidental.

Puspusan na rin ang paghahatid ng tulong ng PCG personnel para mabilis na maisakay sa BRP Bagacay (MRRV-4410) ang 4,400 family food packs mula naman sa DSWD.

Mula sa Panacan, Davao City, inihatid ang mga ito sa Surigao City, Surigao del Norte para agad na maipamahagi sa mga apektadong pamilya ng Bagyong Odette.

Naglalaman ito ng tig-a-anim na kilong bigas, at ilang canned goods at instant coffee bawat isa.

Nasa  50 boxes ng relief supplies ang inihatid rin ng Philippine Coast Guard (PCG) District Central Visayas at BRP Tubbataha (MRRV-4401) mula sa Cebu patungong Bohol.

Ang PCG District Eastern Visayas naman ay nakapaghatid na rin ng nasa 14 toneladang relief supplies sa mga apektadong pamilya sa Limasawa Island, Southern Leyte.

Ang mga donasyon ay binubuong 1,000 family relief packs, 840 boxes of purified drinking water, 500 food packs, 15 sacks of rice, 10 boxes of instant noodles, 8 boxes of canned goods, two boxes of breakfast cereals, one roll of tarpaulin.

Sa kabilang banda, dahil sa malakas na hagupit ng bagyong si Odette, tiniyak ng coast guard ang kaligtasan rin ng mga banyagang turista na naabutan ng nasabing kalamidad Siargao Island.

Ayon sa PCG, nasa mabuting kalagayan ngayon ang mga turista habang ang ilan sa mga ito ay nakaalis na rin sa isla.

SMNI NEWS