INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang mga Chinese vessel ay namamataan pa rin sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Algier Ricafrente, bilang aksyon, tuluy-tuloy lang din ang kanilang pagdi-deploy ng mga tauhan at barko.
Patuloy din ang kanilang pag-challenge kapag ang mga Chinese vessel na ito’y lumalapit sa maritime jurisdiction o kung papasok sa maritime zone ng Pilipinas.
Dagdag ni Ricafrente, tsina-challenge din ng PCG ang iligal na presensya ng mga Chinese vessel sa karagatan na pasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
“Iyong mga Chinese vessels po ay nandiyan po sila palagi sa West Philippine Sea. Sa parte po ng Philippine Coast Guard, bilang kabahagi ng whole-of-government approach ay dini-deploy natin ang ating mga barko upang i-challenge at palabasin sa ating maritime jurisdiction ang anumang mga barko na illegally present doon sa ating maritime zone,” pahayag ni Algier Ricafrente, Spokesperson, Commodore, PCG
Una nang iginiit ng China na paulit-ulit na nilalabag ng panig ng Pilipinas ang kanilang soberanya.
Kasabay nito, hinimok ng Beijing ang Philippine government na agad na ihinto ang mga mapanganib at walang kabuluhang probokasyon na sumisira sa katahimikan at katatagan sa South China Sea.
Samantala, inihayag ng PCG na nagpapatuloy ang pagsasanay ng mga tauhan nito—hindi lang sa law enforcement kundi maging sa pagganap ng tungkulin sa search and rescue, gayundin sa marine environmental protection operation.
“At maging dito sa ating himpilan sa Manila, ang atin naman pong mga special operations group at iba’t iba pang mga units na nagpo-provide ng mga personnel sa ating mga coast guard districts ay patuloy din po ang pagsasagawa nila ng kaukulang training,” paliwanag ni Ricafrente.
Follow SMNI News on Rumble