ISANG Philippine Coast Guard (PCG) rescuer ang binawian ng buhay matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa kasagsagan ng search and rescue (SAR) operation sa Sitio Daeng, Brgy. Halog East, Tubao, La Union, ngayong araw, Setyembre 5, 2023.
Isa si CG Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano Nesperos sa mga miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon (SOG-NWLZN) na rumesponde sa “drowning incident” sa Sitio Daeng kasabay ng nagpapatuloy na sama ng panahon.
Pagdating sa lugar ng insidente, dahan-dahang tumawid si CG PO3 Nesperos para i-secure ang “safety line” sa kabilang bahagi, ngunit nawalan siya ng balanse at tuluyang tinangay ng rumaragasang ilog.
Sinubukan siyang iligtas, ngunit wala siyang malay nang ma-recover ng PCG SAR team.
Agad siyang dinala sa La Union Medical Center upang makatanggap ng tulong-medikal, ngunit dito ay idineklara siyang “dead on arrival.”
Agad itong ipinagbigay-alam ng PCG sa kaniyang mga mahal sa buhay at patuloy ang koordinasyon upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.
Nakikiramay ang buong PCG sa naulilang pamilya ni CG PO3 Nesperos na hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay piniling isakatuparan ang sinumpaang tungkulin sa bayan.