HANDANG magbitiw sa kanyang tungkulin si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva kapag napatunayang may bentahan ng droga sa kanyang mga tauhan.
Ito’y matapos ang nangyaring engkuwentro sa pagitan ng Quezon City Police Department (QCPD) at PDEA sa labas ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue noong Marso 24.
“Huwag kayong magsalita nang walang ebidensya kasi hearsay lang ‘yun. Magpalabas sila ng CCTV na nagbentahan ang PDEA at ang pulis. Magre-resign ako right now. Magpalabas kayo ng ebidensya na CCTV na nagbenta ang PDEA at kayo ang bumili. I will resign immediately,” tahasang pahayag ni Villanueva.
Nanindigan si Villanueva na kilala niya ang kanyang mga tauhan at kumpiyansa siya sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaan na pinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint panel ng PNP at PDEA para sa imbestigasyon at inatasang tanging ang NBI ang mag-iimbestiga sa nasabing shooting.
Marso 1, binisita ni Villanueva sa ospital ang mga nasugatang PDEA agents sa engkuwentro at nagbigay ng tulong-pinansyal sa mga ito.