KASUNOD ng bantang pagbibitiw ni Senator Robin Padilla sa PDP-Laban ay agad na naglabas ng pahayag ang partido kaugnay dito.
“Kung sasabihin sa akin ng partido bukas na wag natin suportahan ang Charter change, sa araw na yun resigned na ako at independent na ako,” pahayag ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla, Chairman.
Yan ang hamon ni Padilla, araw ng Lunes sa kaniyang mga kapartido sa political party na PDP-Laban na pinangungunahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang party chairman.
Malungkot si Robin matapos ipinagpaliban ang pagdalo ng ilang mambabatas mula sa Kamara sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagbabago ng Saligang Batas o Charter change.
Ang kanilang hindi pagsipot ay alinsunod sa abiso ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kung saan iginiit ng pangulo ng Senado ang inter parliamentary courtesy.
“Let me clarify, traditionally the Senate does not invite incumbent members of Congress as resources persons as they are accorded inter parliamentary courtesy,” saad ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senate President.
Kasunod ng hamon ni Padilla ay inanunsiyo ng paksiyon ng PDP-Laban na pinamumunuan ng dating Pangulo Duterte na suportahan ang Charter change, ngunit hindi nilinaw kung sinusuportahan nito ang itinutulak ng House of Representatives para sa Constitutional convention o ang tinutulak ng executive vice president nitong si Sen. Robinhood Padilla, para sa isang constituent assembly.
“PDP-Laban is for Charter Change. Details will be on out resolution that will be out Thursday” ayon kay Atty. Melvin Matibag, secretary-general ng PDP-Laban Duterte Faction.
Sa isang text message, sinabi ni Atty. Melvin Matibag, secretary-general ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Duterte, na ang detalye sa kanilang suporta sa Cha-cha ay malalaman sa isang resolusyon na ilalabas sa Huwebes.
Ang mga miyembro ng Duterte wing ay nagpulong Martes ng umaga upang talakayin ang opisyal na paninindigan ng partido sa Cha-cha.
Matatandaan na bagamat ang tangkang amyendahan ang Konstitusyon ay umuusad sa Kamara ay hindi naman ito gumagalaw sa Senado.
Ang pahayag ni Matibag na suportado ng partido ang Cha-cha ay kasunod ng banta ni Padilla na aalis siya sa partido.
“Kaya ako sumama sa PDP Laban dahil sa Charter change at sa pederalismo, …. Sa araw na yon ay resigned na ako at independent na ako,” ayon pa kay Padilla.
Ang bersiyon ni Padilla para sa pagsusulong ng Cha-cha ay magkaiba sa isinusulong ng Kamara na nagmumungkahi ng “hybrid” con-con na binubuo ng mga halal at itinalagang delegado na magsusulong ng mga pagbabago sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga pangunahing paniniwala ng PDP-Laban ay kailangan isulong ang political reform sa pamamagitan ng Cha-cha upang makamit ang pederalismo na uri ng gobyerno.