MULING pinatunayan ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan na seryoso ito lalo na sa usaping peace and order sa kanilang lugar.
Maliban sa mga naglalakihang proyekto ni Mayor Chan na ibinida nito sa kaniyang ikatlong State of the City Address (SOCA) nitong Miyerkules, Hulyo 5, na isinagawa sa Hoops Dome ay hindi nito kinalimutang kilalanin ang mga pagsusumikap ng kapulisan na makamit ang peace and order sa lungsod.
“Kasama ang kapulisan, ay siniguro natin ang kapayapaan at katiwasayan ng ating syudad,” saad ni Mayor Junard “Ahong” Chan, Lapu-Lapu City.
Ang SOCA ni Chan ay sinaksihan ni Cebu Governor Gwen Garcia, OPAV Undersecretary Terrence Calatrava at iba pang opisyales ng lungsod upang magbigay suporta sa alkalde.
Bilang pagkilala sa pagpupursige ng kapulisan ay nagbigay ang lokal na pamahalaan ng walong police mobiles, apat na motorcycle mobiles at walong bike mobiles.
Ito ay upang mas mapadali ang paggawa ng kanilang mga tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan ng lungsod.
Ikinatuwa naman ito ng hepe ng kapulisan sa Lapu-Lapu City dahil hindi nakalimutan ng alkalde ang pagpupursige ng kanilang hanay.
“Ako ma’am, ay natutuwa na ang peace and order ay unang iniulat ng ating mayor during the State of the City Address. Una, dahil ang peace and order situation ay isa kasi yan sa pillars ng ating economy para magkaroon tayo ng good economy, kaya kailangan talaga natin ang peace and order situation,” saad ni P/Col. Elmer S. Lim – Lapu-Lapu City PNP PRO7.
Malaking impact naman ang peace and order na ito para sa mga turistang bumibisita sa lungsod.
“We are lucky na ang ating city director Col. Lim, masigasig at nagging maganda ang kanyang pamamahala ng ating peace and order situation. So, ang ating mga kapulisan, napakaalerto. Napakalaking impact ‘yan sa ating turismo, ayaw naman kasi ng ating mga turista na hindi sila safe,” wika ni Cong. Cindi King-Chan-Lapu Lapu City Lone District.
Para naman sa lahat ng mga opisyal ng lungsod, panalo ang mahusay na pamumuno ni Mayor Chan.
“It was a very good report to the mayor, kahit matagal natapos, basta he has a lot of accomplishment to report and the Oponganons,” ayon kay Coun. Annabeth Cuison-Lapu-Lapu City.
“Napaka proud ko po sa ating mayor ng Lapu-Lapu. I know that he work so hard for this and this is not only the start. Sa narinig natin sa SOCA niya, marami pa talaga siyang mga darating na proyekto,” wika ni Jasmine Marie King-Chan-Barangay Councilor and Daughter of Mayor Chan.
Nagbigay rin ng mensahe si Cong. Cindi Chan para sa alkalde.
“Dalangin natin sa Panginoon na bigyan ka pa ng malakas na pangangatawan,” wika ni Cong. Cindi King-Chan-Lapulapu City Lone District.
Kabilang naman sa tututukan ng Chan administration ang big ticket projects na makatutulong sa turismo ng siyudad.