Pedestrian at bike lanes ng CCLEX, binuksan na

Pedestrian at bike lanes ng CCLEX, binuksan na

BINUKSAN na sa Cebu Cordova Link Expressway (CCLEX) ang kauna-unahang expressway sa bansa na may pedestrian at bike lanes.

Nakamamangha ang gandang matatanaw mo kapag dumaan ka sa CCLEX gamit ang iyong sasakyan, pero kakaibang experience rin kapag ikaw ay maglalakad, magjo-jogging o magba-bike sa tabi ng expressway.

Ito ay isang walk way sa gilid na makikita sa CCLEX na ang mga entrance ay sa magkabilang dulo ng Cebu City at bayan ng Cordova, Cebu.

Ito ang kauna-unahang expressway sa bansa na may pedestrian at bike lanes kumpara sa mga expressway sa Luzon.

Dinesenyo ito para maging inclusive at mai-promote ang healthy lifestyle sa rehiyon.

Ayon kay CCLEX General Manager Allan Alfon, dati nang dinesenyo ang expressway na may pedestrian at bike lanes at ang layunin nito ay para sa manggawa na dadaan gamit ang bisikleta o maglalakad.

“Mayroon na talaga ito sa ating design that we’ll have to provide a dedicated safe lane para sa ating mga bikers at mga pedestrians. Ang purpose nito ay para matulungan ang mga workers at ‘yung nag ba-bike papunta at galing sa kanilang pinagtatrabahuan, pwede din silang maglakad. A little bit far, it’s a nice length 8.9 kilometers, plus yung mga mga kababayan nating mahilig sa morning exercise, mag biking o jogging,” pahayag ni Allan Alfon, General Manager, CCLEX.

Dagdag pa ni Alfon, sinisiguro ng pamunuan ng CCLEX na ligtas ang lahat na dumaan sa pedestrian at bikers sa pamamagitan ng paglalagay at pagtatalaga ng mga safety measures.

“While there’s a presence of our security guards which is on duty 24/7, may CCTV din tayong inilagay sa kahabaan ng 8.9 kilometers. From any section sa ating makikita sa ating mga staff from our Operation Center ang lahat na nagbike o nag jog. We all have the safety measures including the road information system. So, of course there’s a time which base on our road information weather system which is built real time, if the weather is not ideal for biking or running or for walking, that’s the time we’ll close the dedicated lane,” dagdag ni Alfon.

Naglabas naman ng panuntunan ang CCLEX kasabay ng pagbukas nito ng pedestrian at bike lanes. Tulad ng bawal tumawid, sumandal, umakyat o upuan ang mga barrier.

Para naman sa mga runner at biker, kailangan magsuot ng proper gear. Bawal ito sa mga skateboards, roller blades o stand scooters at marami pang iba.

Dapat ding maghanda sa tuwing papasok sa pedestrian o bike lanes at kailangan tapusin ang halos siyam na kilometro dahil bawal din ang mag u-turn.

Ang pedestrian at bike lanes ng CCLEX ay libre at walang bayad sa mga gustong gumamit nito.

Bubuksan ito kada alas-6 ng umaga at isasara ng alas-6 ng gabi ngunit hanggang alas-4:30 ng hapon lamang ang last entry nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter