SA post pandemic, nag-boom ang iba’t ibang negosyo lalo na ang pamimili online.
Partikular dito ang mga ibinebentang appliances.
Gayunpaman, isa sa mga nadiskubre ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bagong modus, ang pag-iwas sa mga polisiya o patakaran ng ahensiya.
Kailangan kasi na kapag electrical appliances, dadaan ito sa DTI para sa aplikasyon ng Philippine Standard (PS) license o Import Commodity Clearance (ICC) kapag imported.
Ayon kay DTI Consumer Affairs and Legal Services Group Undersecretary Amanda Nograles, isa sa mga paraan na hindi ito sinusunod ng mga nagnenegosyo nito, ay iyong rektang nagbibenta ang foreign seller sa ating mga konsyumer. Punto ng opisyal, hindi sila dumadaan sa DTI.
Laganap at talamak pa naman ngayon sa mga online marketplace ang peke at substandard na electrical appliances.
“Talamak iyan sa mga online marketplace kasi siyempre tayo, may mga sellers na galing sa abroad iyong item, hindi na iyan dumadaan sa DTI. Kasi ang nangyayari, ang nakita natin mula sa datos sa mga report, kapag ang consumer bumili sa online, let’s say sa marketplace ng isang electrical appliances, diretso na iyan – papasok ng Pilipinas, ilalapag sa warehouse dito and from that warehouse, idi-deliver iyan ng courier or delivery service diretso sa consumer,” ayon kay Usec. Amanda Nograles, DTI.
Sa modus na ito, hindi na nakapapasok ang DTI pagdating sa pagtsi-check kung talagang may PS mark ang produkto o ICC sticker.
Kaya naman, sa ilalim ng Internet Transactions Act, mayroong tinatawag na “takedown order” power na ginagawa ng DTI kaugnay ng mga nagbebenta online.
“Kapag nakita natin ang isang online merchant nagbebenta, naglalako ng produkto na walang PS mark or ICC sticker, puwede natin kunin iyong listing na iyon and ibigay doon sa e-market place para i-take down, tanggalin ang listing na iyon. Dito sa pamamaraan na ito, mayroon tayong nahuhuli rin,” ani Nograles.
Nag-iikot din ang enforcement team ng ahensiya sa mga retail store para sa mga produktong imported na walang PS mark at ICC sticker.
Nakipag-ugnayan na rin ang DTI sa Bureau of Customs (BOC) pagdating sa inaangkat na produkto.
DTI, nagbabala sa panganib na dulot ng pagtangkilik sa substandard at pekeng appliances
Samantala, may babala naman ang DTI ukol sa patuloy na pagtangkilik ng ilan sa mga mamamayan sa mga sub-standard at pekeng appliances na ibinibenta online.
Ani Nograles, kapag bumili ang konsyumer ng electrical appliances na uncertified, ibig sabihin, walang PS mark, walang ICC sticker, at hindi dumaan sa DTI, ay walang garantiya pagdating sa ‘safety and quality’ ng produkto.
Saad ng opisyal, delikado ito kasi buhay ang katapat nito.
Makatipid man nang kaunti pero posibleng magdulot naman ito ng sunog sa bahay, masho-short circuit at may masasaktan.
“Ibig sabihin, halimbawa, iyong mga electric fan hindi natin na-check, natingnan kung iyong mga boltahe niyan, sakto sa boltahe dito sa Pilipinas, kung hindi ba iyan sasabog, kung nasho-short circuit ba iyan; iyong mga issues sa normal use ng isang consumer hindi na iyan na-test ng DTI,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, wala pang natukoy ang DTI na illegal warehouse na kung saan nagmumula ang mga produktong ito.
Samantalang sa regular course ng inspeksiyon ng DTI, mayroon silang nahuhuli sa retail front, ibig sabihin iyong mga nasa tindahan —na umaabot sa P55-M na halaga ng appliances habang P80-M naman sa mga TV set at consumer electronics.