NILALABAG ng mga gumagawa ng pekeng negative COVID-19 result ang revised penal code ng bansa at ang Republic Act 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern.”
Ito ang inihayag ni Philippine National Police Spokesperson Brig. Gen. Ronaldo Olay sa panayam ng SMNI News.
Matatandaang, ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-aresto sa mga namemeke ng COVID-19 result.
“Nagra-random checking ang inyong PNP, at tiningnan nilang kung ito ba ay tama o hindi. ‘Pag nalaman nilang fake yan ay pupuntahan sila sa kanilang mga hotel at ikwa-quarantine sila sa LGUs kung nasaan man sila at kakasuhan pa sila,” pahayag ni Olay.
Pinaalalahanan naman ni BGen. Olay sa mga biyahero na magpasuri lamang ng COVID-19 sa mga government-accredited testing center.
Ito ay upang maiwasan ang mali at hindi saktong resulta ng COVID-19 test.
“Sila po ay initially na dadalhin muna sa istasyon ng pulis para po mai-booking sila, para po maiproseso sila at kailangang po silang mai-blotter,” ani Olay.
Sasailalim din muna ang mga ito sa quarantine sa isang LGU kung saan sila naroon upang malaman kung ang mga ito ay positibo o negatibo sa COVID-19.
(BASAHIN: Dalawang turista sa El Nido, naharap sa kasong pamamemeke ng swab test results)